TRIBUTE sa mga seafarer at mga OFW ang bagong advocacy film ni Direk Anthony Hernandez kaya’t tiyak marami ang makare-relate sa pelikula niyang Marineros na palabas na sa Setyembre 20 handog ng Golden Tiger Films.
Puno ng inspirasyon at kapupulutan ng aral ang Marineros na pinagbibidahan ni Michael de Mesa kasama sina Ahron Villena, Valerie Concepcion, Claire Ruiz, Jon Lucas, Jef Gaitan, Moses Loyola, Paul Hernandez at iba pa.
Matagumpay ang isinagawang premiere night ng Marineros noong Linggo sa SM Manila na sinuportahan ng mga asawa ng seafarers, pamilya, at mga kaibigan ng mga bida.
Maraming aral na mapupulot sa pelikula, tulad sa buong pamilya, kung paano mag-ipon, kung paano pahalagahan ang trabaho at sa pagpapatawad.
Tama ang tinuran ni Direk Anthony na magandang halimbawa ang kanilang pelikula sa mga kabataan, specially sa mga nagnanais maging marinero, na itinuturo ang tamang paghawak ng kinikita.
Ani Direk Anthony, passion film ang Marineros, bukod pa sa naging magandang pagtanggap agad ng publiko sa teaser pa lamang ng pelikula. “Our teaser even gained a hundred thousand views in just a span of one week from posting. It just shows that the Filipinos are somehow connected to seafarers in one way or another, may it be a member of their family or friends. We are confident that ‘Marineros,’bmen in the middle of the sea is a perfect eye opener for everyone.
“Ang movie na ‘Marineros’ ay iniaalay namin sa lahat ng seafarers at maging sa OFWs nating nagpapakahirap sa ibang bansa,” giit ni Direk Anthony.
Sinabi pa ni Direk Anthony na marami rin silang nakuhang comments sa FB post at Youtube ng kanilang pelikula.
“Ibig sabihin niyon, nakare-relate talaga sa pelikula ang seafarers. Kasi noong araw, nangunguna ang Filipinas sa rami ng seafarers, lalo na sa Region 7 na marami talagang mga seaman.
Target ng Marineros ang mga college students, pati elementary at high school din.
Eye opener ang ginampanang karakter ni Direk Anthony, si Marigold, isang performer, na hindi dapat laging gastos nang gastos at dapat ay matutong humawak sa pera.
Si Michael naman ay dating seaman na naaksidente at bumalik sa kanyang pamilya. Pero ang ibang anak niya ay may hinanakit sa kanya dahil ang akala ay iniwan niya ang mga ito.
Sabi nga ni Michael, “Pinag-usapan dito ‘yung matagal na wala sila sa kanilang pamilya at ‘yung ibang conflict na nangyayari rin sa mga buhay ng seaman.”
Tatlo ang anak ni Michael sa pelikula, sina Ahron, Paul, at Claire. Si Ahron ang panganay na nang tumigil sa pagbabarko ang ama ay kinuha na ang responsibilidad at naging seaman. Si Claire naman si Karen, ang bunso na nag-alaga sa ama habang ang dalawang kapatid na lalaki ay nagtrabaho sa barko. Si Paul si Kelvin, black sheep ng family na isang waiter sa luxury liner ang trabaho.
Sa kabilang banda, sinabi pa ni Direk Anthony na saludo siya sa galing ng lahat ng actors niya sa movie. “Happy kami sa naging resulta ng film, sa galing talaga ni direk Michael de Mesa, madadala ka sa mga eksena. Sobrang nakaiiyak ang movie, kaya sa moviegoers, magdala po kayo ng pamunas ng luha.
“Kaya sa lahat ng mga seaman, seafarers, maritime students… manood po kayo ng ‘Marineros,’ para sa inyo po ang movie na ito at para sa lahat,” giit pa ni direk Anthony.
Puring-puri namin ang galing ng lahat ng bida sa Marineros. Maging si Direk Anthony ay ‘di nagpahuli sa pag-arte. Biruan nga ng mga kapatid sa panulat, may bago nang career ang direktor, ang pag-aartista dahil mahusay siya sa kanyang karakter na ginampanan.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio