Samantala, ang Jowable ay mula sa isang viral short film, na naging best-selling na libro, at ngayo’y ginawa nang pelikula. Ukol ito kay Elsa (Kim), 30-something na No-Boyfriend-Since-Birth at walang ibang hiling kundi ang magka-boyfriend. Maganda, sexy, at funny. Medyo lasinggera nga lang, pero girlfriend material. Si Liberty (Kakai Bautista) naman na nanay niya sa pelikula ay parang nagpapalit ng damit kung mag-boyfriend gayundin ang kaibigan nitong si Karissa (Cai Cortez).
Ang Jowable ay unang na-post sa Vincentiments Facebook page noong 2018, bilang isang short film na isinulat at idinirehe ni Darryl Yap. Maraming Pinoy ang agad naka-relate sa sentimyento ng video at humakot agad ito ng 1 million views overnight, at ang Vincentiments page ay agad nagkaroon ng 100,000 likes.
Gumawa si Yap ng dalawang short film na Jowable series, bago ito naging isang libro. Lumabas ang libro ng Jowable nitong nakaraang March lang, at gaya ng video, naging instant hit din.
Isang Theatre writer at director, nagsimulang gumawa ng short films si Yap noong 2017. Ang kanyang unang short film na Squatterina ay ipinalabas sa North Luzon Film Festival, na siya rin ang kauna-unahang nagwagi ng Best Director Award. Napili rin ang Squatterina bilang Philippine delegate para sa Formosa Festival of International Filmmaker Awards sa Taiwan. Ngayon, kasama na rin ang Squatterina sa listahan ng 10 Best Short Films of National Commission for Culture and the Arts| Cinema Rehiyon for the last 10 years.
Nakilala rin si Yap sa iba pa niyang award-winning short films gaya ng Oyayi, Bago Ako Lumipad, at Ellipsis.
Si Yap din ang lumikha ng Facebook page na Vincentiments, na naka-post ang viral video ng JOWABLE. Hango ang Vincentiments sa pangalan ng kanyang Cinematographer/Editor na si Vincent Asis, at dito inilalagay ni Yap ang kanyang mga “Real Talk” na short films. Bukod sa Jowable, ang Vincentiments page ay marami pang viral short films gaya ng Bes, Mga Bagay na Hindi na Dapat Pag-usapan, at ang Kung Pwede Lang series.
Mula sa paggawa ng short film hanggang sa pagsulat ng libro, ang JOWABLE movie ang kauna-unahang full-length film ni Yap. Nakatrabaho na ni Yap si Kim sa short film niyang BossaBoss na parte ng Kung Pwede Lang Series ng Vincentiments.
Nagsimula naman si Kim sa teatro noong 2013 nang mapasama siya sa cast ng Tarzan. Sunod niyang ginampanan ang role na Frieda sa Carrie the Musical, at Louise naman sa musical stage adaptation ng pelikulang Ghost. Noong 2014, nakuha ni Kim ang first lead role bilang Aileen sa patok na Pinoy Musical, Rak of Aegis, na nanalo siya bilang Best Actress in a Musical sa Gawad Buhay. In-demand din sa telebisyon si Kim na gumaganap siya ng mga ‘di-malilimutang roles gaya ni Savannah sa Kadenang Ginto at Billet sa The General’s Daughter. Noong 2016, nakuha naman ni Kim ang kanyang first movie lead role sa hit na pelikulang Camp Sawi kasama sina Bela Padilla, Arci Munoz, Yassi Pressman, at Andi Eigenmann.
Bukod sa pag-arte, si Kim ay isa ring singer at nanalo ng Best Performance by a Female Recording Artist noong 2017 sa Awit Awards para kanyang debut single na Naluluha Ako na ini-release ng VIVA Records.
Si Kim din ang umawit ng official soundtrack ng Jowable. Isang araw pa lamang pagka-labas ng JOWABLE music video, pumalo agad ito ng 60,000.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio