BINIGYAN Paranagal ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ng Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa paggamit nito ng wikang Filipino sa pakikipag-ugnayan sa publiko para sa mga serbisyo, programa, at proyekto ng ahensya.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakatanggap ng pagkilala ang MMDA mula sa KWF, ang regulating body ng wikang Filipino at ang opisyal na institusyon ng pamahalaan na naatasang paunlarin at ipreserba ang iba’t ibang dayalekto ng bansa.
Ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim, ang Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko – Antas 2 ay nagsisilbing inspirasyon ng ahensiya para tuloy-tuloy na ipatupad ang Executive Order 335 na naghihikayat sa mga opisina ng gobyerno na gumamit ng wikang Filipino sa mga opisyal na transaksiyon, komunikasyon at korespondensiya.
“Isang karangalan para sa amin na makilala ang aming mga inisyatibo sa paggamit ng wikang Filipino sa araw-araw na paninilbihan sa ating mga kababayan. Higit sa pagsasalin sa Filipino ng mahahalagang dokumento, mga karatula at iba pang mga pabatid, responsibilidad natin bilang mga Filipino ang pagtataguyod at pagsusuporta sa paggamit ng ating sariling wika,” ani Lim, na ibinahagi ang parangal sa mga empleyado ng ahensiya sa seremonya ng pagtataas ng watawat nitong Lunes.
Kinilala rin ng KWF ang MMDA sa paggamit ng wikang Filipino sa Facebook page ng ahensiya, infomercials, at road traffic signs.
Isinalin ng MMDA mula English sa Filipino ang ilang pangalan ng tanggapan, mga poster at brochure, pormularyo sa mga kliyente (process flow charts), misyon at bisyon, at Gabay ng Mamamayan (Citizen’s Charter).
“Makaaasa kayong kami ay patuloy ninyong magiging katuwang sa misyong paigtingin pa ang paggamit at pagpapalaganap ng wikang Filipino, lalong lalo sa tuntunin ng serbisyo publiko. Tayo ay magkaisa at mag-ugnayan para mas mapaunlad at mapreserba ang ating wika. Mabuhay ang Wikang Filipino!” dagdag ni Lim.
Ang seremonya ng pagpaparangal ay isinagawa ng KWF noong Agosto bilang bahagi na rin ng pagdiriwang ng “Buwan ng Wika.”