MASAYA ang Viva Artist Agency talent na na si Phoebe Walker dahil nagkakaroon na siya ng pagkakataon na makaganap ng iba’t ibang klase ng role. Kumbaga, from horror projects ay nasubukan niyang gumanap ng ibang papel naman.
Matatandaang sa pelikulang Seklusyon noong 2016 Metro Manila Film Festival na isa si Phoebe sa naging bida, nakilala nang husto ang aktres. Nanalo siya ng Best Supporting Actress dito. Sumunod naman ay isa siya sa naging main cast ng mini-series na Tabi Po para sa Cignal Entertainment. Ang dalawang proyekto ay kapwa horror.
Mula rito, si Phoebe ay lumabas sa sexy-action movie na Double Barrel. Tapos ay napanood sa iba pang mga project, kasama ang pelikulang To Love Some Buddy na pinagbidahan nina Maja Salvador at Zanjoe Marudo.
Matapos maging bahagi ng drama series na Araw Gabi nina JM de Guzman at Barbie Imperial, ngayon ay napapanood si Phoebe sa top rating TV series na FPJ’s Ang Probinsyano na pinagbibidahan ni Coco Martin.
Sobra nga ang kagalakan ng aktres na maging bahagi ng serye ng ABS CBN.
“Very happy po and grateful, halos after ng eksena pinasasalamatan ko si kuya Coco. Sana makasabay ako, kasi dapat maangas dahil sa reputasyon ng Ang Probinsyano,” pahayag ng aktres na mayroong degree sa European Studies mula sa Ateneo de Manila University.
Kumusta ang taping niya ngayon sa Probinsyano?
Tugon ni Phoebe, “Kalaban pa rin po namin si Baron (Geisler), dahil iniisa-isa na niya ang Task Force Agila.”
Idinagdag niyang nag-e-enjoy siya sa pagsabak dito sa mga action scene. “Opo nakaka-raid na kami, pati undercover scenes. Okay naman po, masaya naman, pero thru the weeks ay may nawawalang characters, so uncertain ang fate namin sa show.”
Saad niya, “May movie po ako, shooting on weekend na malapit na matapos rin this month. Directed by Toto Natividad, The Big One po ang title with Kiko Matos, Jeffrey Santos, Don Umali, Rob Sy, and many more. Action po itong The Big One.”
Napapanood din si Phoebe sa Sari-Sari Channel sa horror serye nilang Cuerpo Y Alma with Danita Paner, Ruby Ruiz, at Andrew Gan, directed by Aya Topacio.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio