MATAMIS na paghihiganti ang hangad ng kampeon na San Miguel ngayon upang makatabla sa Magnolia sa krusyal na Game 2 ng kanilang 2019 PBA Philippine Cup best-of-seven Finals series sa Smart Araneta Coliseum.
Sisiklab ang aksiyon sa 7:00 pm kung kailan iiwas sa 0-2 pagkakaiwan ang Beermen upang mapanatiling buhay ang pag-asa nitong masungkit ang ikalimang sunod na All Filipino conference title.
Kahit paborito, nasilat ang SMB noong Game 1 matapos ang dikit na 94-99 kabiguan kontra Magnolia.
Inamin ni head coach Leo Austria na nahirapan sila sa depensa ng Hotshots ngunit siniguradong mag-iiba ang timpla ng laro sa Game 2.
“Credits to Magnolia. We had poor executions because of their defense,” aniya.
“But Game 2 will be a different ball game.”
Upang makabawi, kakailanganin ng SMB ng tulong lalo’t si June Ma Fajardo lamang ang nakapagpasiklab sa kanila sa Game 1.
Nasayang ang 35 puntos at 21 rebounds ni Fajardo kontra sa balanseng atake ng Hotshots na pinangunahan ni Ian Sangalang na may 17 puntos at 12 rebounds.
Susuporta sa kanya sina Chris Ross, Marcio Lassiter, Alex Cabagnot, Arwind Santos, Christian Standhardinger at Terrence Romeo.
Tutulong kay Sangalang sina Paul Lee, Jio Jalalon, Mark Barroca, Rome Dela Rosa, Rafi Reavis at Justin Melton para sa Hotshots na hahangad ng 2-0 abante para sa unang titulo nito sa Philippine Cup simula 2014.
ni John Bryan Ulanday