UUMPISAHAN na ni Kai Sotto ang kanyang ensayo sa paglipad sa US ngayon para sa dalawang buwang pagsasanay na bahagi ng kanyang misyon na makatapak sa National Basketball Association (NBA).
Sa Atlanta, Georgia ang unang destinasyon ng 7’2 Filipino teen sensation na sasailalim siya sa puspusang body strengthening at conditioning sa loob ng dalawang buwan sa ilalim ng East West Private Agency.
Inilinaw ng ama ni Kai na si Ervin na bagamat patulak sila sa US ay hindi pa rin ito ang kanilang pinal na destinasyon bagkus ang Europa pa rin.
Sa ngayon ay nasa mesa pa rin ang international offers kay Sotto mula sa clubs na Barcelona, Baskonia, Estudiantes at Real Madrid mula sa Spain gayundin ng ALBA Berlin mula naman sa Germany.
“There’s no plan to play in US. Europe is still the number one option,” ani Ervin.
Bagamat nauna na sina Kai at Ervin sa US, inaasahang susunod sa kanila ang ina na si Pamela gayundin ang mga kapatid ni Kai sa darating na Mayo.
Inaasahang babalik sa bansa ang pamilya Sotto sa Hunyo kung kailan niya iaanunsiyo kung saang Europe club ipagpapatuloy ang paglalaro.
Bago naman magdesisyon, maglalaro muna si Kai sa Batang Gilas na isa aniya sa kanyang mga responsibilidad sa bayan kapantay ang personal na pangarap na makarating sa NBA.
Inaasahang lalong malakas at mas malaki na ang maitutulong ni Kai sa panahong iyon kung kailan sasalang ang Batang Gilas sa FIBA U19 World Cup na magaganap mula 29 Hunyo hanggang 7 Hulyo.
ni John Bryan Ulanday