MARAMING natutuwa kay NCRPO chief, Dir. Guillermo Eleazar dahil sa kanyang masigasig at buong tapang na paglilinis sa hanay ng pulisya.
Kumbaga, hindi lang siya sa kriminal matapang, kundi maging sa abusadong law enforcers.
Ang pinaka-latest nga ‘e ‘yung dalawang parak na rider na sinabon ni Dir. Eleazar na kinilalang sina PO2 Ralp Curibang Tumanguil at PO2 Jay Pastrana Templonuevo.
Sinira kasi ng dalawang kamote ang side mirror ng isang taxi nitong 19 Oktubre, 11:00 am sa Andrews Boulevard, Pasay City.
Si Tumanguil ay nakatalaga sa PCP-7, Parañaque City Police Station samantala si Templonuevo ay nakatalaga sa NCRPO.
Nahaharap sila ngayon sa kasong administratibo alinsunod sa PNP Memorandum Circular No. 2016-002 dahil sa “less grave misconduct serving as escort or security officer whether on foot or by motor vehicle for any private individual regardless of his status in social or religious circles on any occasion unless authorized by the chief of oolice or the appropriate officials authorize to do so.”
Bukod rito, si Tumanguil ay haharap din sa kasong kriminal na malicious mischief na isasampa sa kanya ng driver dahil sa pagsira niya sa side mirror ng taxi.
Ang dalawang pulis ay nag-escort sa isang negosyanteng Koreano na nanggaling sa Parañaque papuntang Andrews Boulevard, sa Pasay. Doon nangayri ang insidente.
Ini-upload ng may-ari ng taxi na si Joseph Curioso Barreno ang video (mula sa kanyang dashcam) ng insidente sa kanyang facebook account na kalaunan ay nag-viral.
O ‘yan, hindi pinalagpas ni NCRPO Chief Eleazar ang ginawa ng dalawang pulis.
Pero sa totoo lang, hindi lang naman ‘yang dalawang pulis na ‘yan ang may ganyang gawi.
Dapat na po sigurong magdagdag kayo ng mga police intelligence na aaresto sa mga kapwa-pulis na ang ginagawa ay mag-escort ng dayuhang casino players gaya nga ng mga Koreano at Chinese nationals.
Mantakin ninyo, Filipino taxpayers ang nagpapasuweldo tapos ang pinagsisilbihan mga dayuhan?!
Arayku!
Pakirekorida na po ‘yan, NCRPO chief, Director Eleazar Sir!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap