DALAWANG transpormasyon ang magaganap kay Anne Curtis sa taong ito. Actually, naganap na ‘yung isa, ang pagiging “action queen” n’ya.
Ibinalik na sa mga sinehan ang Buybust na halos wala siyang ginawa kundi makipagbakbakan nang makipagbakbakan.
Tumitipak din naman sa takilya ang pelikula.
Ayon sa direktor nitong si Erik Matti, naka-P97-M na ang kita ng pelikula worldwide. Ibinalita ‘yon ni Direk sa Instagram post n’ya. “Worldwide” ang kita dahil naipalabas din sa ibang bansa, pati na sa international festivals, ang pelikula. Dalawang beses ngang nangibang-bansa si Anne para dumalo sa mga festival.
May expectations na aabot din sa P100-M ang gross receipts ng Buybust.
Samantala, malamang na sa mga sinehang nagtatanghal ng Buybust ngayon ay ipinalalabas din ang trailer ng Aurora, isang horror-thriller sa direksiyon ng balik-pelikulang si Yam Laranas.
Una naming napanood ang trailer sa sinehang pinanooran namin ng A Day After Valentine’s na produksiyon ng Viva Films, co-producer ng Buybust at Aurora.
Approved na ang Aurora bilang official entry sa Metro Manila Films Festival 2018. Naaprub ito batay sa isinumiteng script. Kaya, opo, magiging “horror-thriller queen” naman si Anne sa panahon ng Kapaskuhan, na panahon din ng MMFF sa bansa. (Of course, sanay na ang madlang Pinoy na manood ng horror movies during Christmas season.)
Samantala, kapag nanood kayo ng Buybust, huwag n’yong isiping realidad ang pinanonood n’yo. Likhang-sining lang ang lahat ng violence sa pelikula. Ipinlano, inensayo, inuulit ‘pag may palpak, at kinukunan ‘pag perpekto na.
Hindi totoong may isang buong slums (squatters’ area) sa bansa na nanlaban sa drug enforcers at nagpatayan mula sila gabi hanggang umaga na siyang ipinakikita sa pelikula.
Matagumpay din nga pala ang solo concert ni Anne na Anne Kulit sa Smart Araneta Coliseum. Ultimong si Maine Mendoza ng Eat Bulaga ay nag-enjoy sa panonood ng hit na hit na show.
Si Anne nga siguro ang pinakamatagumpay na showbiz idol ngayong 2018. Happily, deserve naman n’ya ang lahat ng tagumpay n’ya. At napakatino n’yang tao. Walang bisyo. Walang kagalit. Walang hinahamak.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas
Target box office income ng PPP, hindi naabot