PINAKAKASUHAN na ng Office of the Ombudsman si dating Nueva Ecija Governor Aurelio “Oyie” Umali, kapatid na si Cabanatuan City Vice Mayor Emmanuel Antonio “Doc Anthony” Umali, at 17 pang opisyal at indibiduwal na nagkutsabahan sa ilegal na pagre-repack ng relief goods mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para gamitin sa kanilang pamomolitika noong 2016.
Sa 15-pahinang desisyon na inilabas ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales, iginiit na marapat sampahan ng paglabag sa Section 3 (c ) of Republic Act 3019 or the Anti-Graft and Corrupt Practices Act and Sec. 19 or RA 10121 or the Philippine Disaster Reduction and Management Act ang mga respondents dahil hindi lamang pinagsamantalahan ang ayudang kaloob ng gobyerno, kundi nilinlang din ang mga biktima ng kalamidad.
Bukod sa magkapatid na Umali, kasama rin sa pinakakasuhan ng Ombudsman sina Gabriel Calling, Johnero Mercado, Leoncio Daniel, Emelita Muyot, Fannie Bugayong, Lutgarda Domingo, Teresa Castelo, Irenea Palma, Ramon Garcia, Richard Medina, Edna Bolisay, Melchor Morales, Caesar Cipriano, Joel Del Mundo, Fortune Ferdinand Eusebio, Mary Antonette Feliciano at Jovic Hernandez.
“Their concerted actions clearly showed that conspiracy existed in the illegal repacking and distribution of relief goods sourced from the DSWD. Said respondents gave themselves, their political party and their party mates unwarranted benefits, advantage and preference when they distributed the goods to their constituents in gift-giving activities that they organized, making it appear that they procured the goods from other sources and are not provided by the DSWD,” ayon sa desisyon ni Morales.
“Such event gained extra mileage over their opposing candidates at the expense of the government. What is more reprehensible and indicative of manifest partiality and evident bad faith is that they took advantage of the vulnerability of their constituents being victims of the typhoon by committing the acts at the time their constituents mostly needed genuine help from their leaders,” paglalahad ng Ombudsman.
Nag-ugat ang kaso ng magkapatid na Umali sa isinampang reklamo ni Josephine Libunao sa Ombudsman na kanyang iginiit na nagkutsabahan at nagtulong-tulong ang mga respondent na i-repack ang mga relief goods ng DSWD na para sa mga nasalanta ng magkasunod na bagyong ‘Lando’ at ‘Nona’ na tumama sa Nueva Ecija noong 2015.
Lalong nagkakulay politika ang ini-repack na relief goods dahil itinaon ang pamumudmod nito sa gift-giving activity na inorganisa ng partido ni Umali sa iba’t ibang barangay.
Dinoktor din umano ng mga respondent ang kanilang disaster monitoring report upang palabasin na marami ang nakatanggap sa ayuda ng DSWD.
Itinanggi ito ni ex-governor Oyie Umali, ngunit hindi pinaniwalaan ng Office of the Ombudsman.
Hindi rin umano nakapaglabas ng ebidensiya ang kampo ni Umali para patunayang hindi nila ini-repack ang relief goods ng DSWD na nakalaan sa typhoon victims.
”They presented no evidence that they purchased the goods themselves. Umali’s denial is without credence. For denial to be believed, it must be buttressed by strong evidence,” anang Ombudsman.
ni RAMON ESTABAYA