HALOS P3 bilyon halaga ng mga produktong hinihinalang may fake tax stamps ang nakompiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BoC) sa dalawang warehouse ng kontrobersiyal na Mighty Corporation, kahapon.
Ang nasabing kompanya ng sigarilyo ay una nang kinasuhan ng P9.5 bilyon tax evasion case ng BIR, dahil sa kabiguang magbayad ng wastong buwis.
Sinalakay ng BoC ang compound ng Mighty Corporation sa lalawigan ng Bulacan, makaraang makatanggap ng impormasyon na roon itinatago ang mga kontrabando.
Walang nagawa ang mga tauhan ng Mighty nang simulang halughugin ang buong gusali para hanapin ang mga produkto na may pekeng stamps.
Dahil sa panibagong natuklasan ng mga awtoridad, dagdag na kaso ang kahaharapin ng korporasyon at ng mga opisyal na bumubuo rito.