SINASABING sa huling pitong araw bago maging ganap na pari ang isang dyakono ay gagawin ng demonyo ang lahat para mailigaw ang mga ito at huwag matuloy ang pagpapari. Taong 1947 nang ipinadadala ng simbahan ang mga dyakono sa isang bahay seklusyon kung saan sila ay ligtas at malayo sa tukso.
Sa pelikulang Seklusyon ni Erik Matti, tatalakayin kung hanggang saan nga ba ang pananampalataya ng mga taong piniling paglingkuran ang Diyos.
Sabi sa Biblia, ang Diyos daw ay nagpaparamdam sa iba’t ibang anyo na katulad din ng demonyo. Ang inyong nakikita ay hindi laging ang iyong inaakala.
Gagampanan ng apat na very promising young actors na sina Dominic Roque, John Vic de Guzman, J.R. Versales, at Ronnie Alonte ang papel ng apat na dyakono na haharap sa pinakamahirap na pagsubok sa loob ng bahay seklusyon.
Ang multi-awarded director na si Matti ng mga pelikulang On The Job at Honor Thy Father ang director ng Seklusyon. Hindi na bago si Direk Erik sa mga pelikulang horror. Nagsimula sa pagdidirehe ng seryeng pantelebisyon na Kagat ng Dilim, si Matti na siya ring direktor ng Pa-Siyam na hanggang ngayon ay kinikilalang isa sa kanyang pinakamahusay na obra.
Si Matti rin ang nagdirehe ng horror-fantasy box-office films na Tiktik: The Aswang Chronicles at Kubot: The Aswang Chronicles 2.
Ang Seklusyon ay isinulat ni Anton Santamaria. Kasama rin sa cast ng Seklusyon sina Lou Veloso, Neil Ryan Sese, Elora Españo, Jerry O’ Hara, Teroy Guzman, at ang napakahusay na batang aktres na si Rhed Bustamante na rebelasyon sa pelikula.
Introducing sa movie si Phoebe Walker na siyang gumanap bilang Madre Cecilia.
Ang Seklusyon ang nag-iisang horror film sa 2016 MMFF. Ayon sa ilang nakapanood na nito, tunay na kapana-panabik at nakakikilabot ang pelikula na official entry ng tambalang Matti at Dondon Monteverde at Reality Entertainment na showing simula Dec. 25.
Kamakailan, nagkaroon din ng world premiere ang Seklusyon sa International Film Festival & Awards Macau (IFFAM).
TALBOG – Roldan Castro