USO raw ang biglaan ngayon. Kung binigla ang netizens sa pagpapalibing sa dating Pangulong Ferdinand Marcos, binigla rin ang uri ng mga pelikulang opisyal na kalahok sa Metro Manila Film Festival.
Tinabla ang mga movie nina Vice Ganda, Coco Martin, Vic Sotto, at Vhong Navarro, maging ang Mano Po 7 ni Richard Yap.
Hindi bitter sina Vice at Vhong sa resulta. May next year pa raw. Hindi rin galit ang Regal Entertainment Inc. na si Mother Lily Monteverde sa nangyari. Pero nalulungkot siya dahil nasanay ang mga moviegoer na ‘pag Pasko, ang MMFF para sa mga bata at buong pamilya pero ngayon ay para sa mga indie crowd.
Hindi naman against si Mother Lily sa indie pero sinasabi lang niya kung ano ang gusto ng karamihan sa naturang festival.
Marami ang humuhula na magtatala ng record ang MMFF 2016 sa takilya. Hindi kaya maging flopsina ito dahil karamihan ay indie film? Isang malaking challenge kung makukuha nila ang target na P1.5-B na kikitain nito.
Sey nga nila, wala raw kakompetensiya ngayon ang Star City at Enchanted Kingdom para sa mga bata. Hindi naman daw magtitiyaga ang mga bata na manood ng mga indie movie ngayong Kapaskuhan.
Pero shout out ni Rosanna Roces, bakit daw hindi turuan at imulat sa mga bata ang mga pelikulang hindi ginawa para sa mga bobo?
Hindi naman agad-agad magagawa ‘yan sa isang tulugan lang. Hindi rin puwede na agad-agad makukuha at mababago kung ano ang nakasanayan. Hindi puwede ang biglaan at isaksak mo sa kanila ang panonoorin nila kahit ipagsigawan mo pang change is coming.
Huwag din tayong mapanghusga sa mga commercial film dahil walang ‘bobo’ sa mga naaaliw, nag-i-enjoy at hindi nai-stress sa nagpapakalalim na pelikula. Hindi mababayaran ang kaligayan nila kahit sabihin mong mababaw ang taste at kaligayahan nila.
Hindi masama na bigyan ng chance at mag-shine ang mga de kalidad na indie movies. Pero sana isinaalang-alang din nila ang 40% criteria para sa audience appeal. Sana binalanse nila, nagkaroon ng apat na mainstream at apat na indies.
Isang malaking pagsubok kung kakagatin ng mga manonood kung ano na lang ang napili na ihahain sa kanila na panoorin. Naging box office hits ba ang mga indie filmfest natin na dumaraan bago dumating ang MMFF, ‘di ba hindi? Ang Thy Womb noon ni Nora Aunor na kasali sa filmfest, ‘di ba nag-first day last day sa ilang sinehan kahit humakot na ito ng awards sa ibang bansa?
Kahit naman sa history ng MMFF, kung may mga matitinong pelikula noon gaya ng Jose Rizal, Bona, Himala, Moral, Brutal, nandiyan pa rin ang mga fantasy, action, comedy at drama nina Dolphy, Fernando Poe Jr., Vilma Santos atbp..
Importante pa rin ang pelikulang nagpapatawa at nagpapasaya sa mga bata ‘pag MMFF at araw ng Pasko pero mukhang ipinagkait ‘yun ngayon ng mga komite na namili ng official entries. Kalungkot!
Pero hangad pa rin namin na maging matagumpay ang MMFF 2016.
ni ROLDAN CASTRO