UMAABOT sa 60 pulis ang isinasailalim sa imbestigasyon kaugnay sa marahas na dispresal sa rally ng mga militante at katutubo sa harap ng US Embassy nitong Miyerkoles.
Ito ang inihayag ni NCRPO Director Oscar Albayalde sa kanyang pagbisita sa Manila Police District kahapon.
Aniya, 10 opisyal ng MPD ang sinibak sa puwesto habang 50 ang nasa restrictive custody.
Tiniyak niyang buo ang suporta nila sa MPD at ang nasaktang mga pulis ay pagkakalooban ng medical assistance.
Nakahanda rin aniya silang magkaloob ng legal assistance kung kinakailangan.
Aniya, ano man ang nangyari sa protesta sa harap ng US Embassy ay inaako nila ang responsibilidad.
Gayonman, sakali aniyang may mga pagkakamali, hindi nila ito kukonsintihin ngunit para sa mga gumanap sa kanilang tungkulin, sila ay bibigyan ng kaukulang pagkilala.
Kompiyansa si Albayalde na sa huli, katotohanan ang mananaig.
( LEONARD BASILIO )