DAVAO CITY – Inihayag ni Senior Supt. Valeriano de Leon, hepe ng Special Investigation Task Group (SITG) Night Market, walang pag-aalinlangang itinuro ng mga testigo ang tatlong mga suspek sa likod ng pambobomba sa Davao City night market, higit isang buwan na ang nakararaan.
Sa isinagawang AFP-PNP press conference, sinabi ni de Leon, positibong itinuro ng mga testigo si TJ Macabalang, isa sa mga suspek na unang nahuli ng mga sundalo sa checkpoint sa Cotabato City noong nakaraang linggo.
Sinasabing si Macabalang ang triggerman at naglagay ng bomba malapit sa massage therapists.
Kasama niya ang dalawa pang suspek na sina Wendel Facturan at Musali Mustapha, kapwa residente ng Cotabato City at sinasabing miyembro ng Maute group.
Patuloy ang pagtutulungan ng SITG Night Market at ng Criminal Investigation Task Group (CIDG) para maghanap ng dagdag na mga ebidensiya laban sa mga suspek at sa iba pa nilang mga kasamahan.