HINDI maibsan ang tuwang nadarama ngayon ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ito ay kasunod nang pagpapalabas ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Executive Order No. 03 na nagbibigay nang dagdag na combat duty pay at combat incentive pay sa mga sundalo.
Ayon kay Philippine Army Spokesperson Col. Benjamin Hao, itinuturing nila itong maagang pamaskong handog ng kanilang commander-in-chief.
Sinabi ni Hao, ang aksiyong ito ni Pangulong Duterte ay nakapagdagdag sa taas ng morale ng mga sundalo upang lalo pa nilang magampanan nang maayos ang kanilang misyon.
Sa inilabas na Executive Order No. 3 ng pangulo, magiging P3,000 ang combat duty pay na matatanggap ng mga sundalo at pulis na nakatalaga sa combat zone area mula sa dating P500 kada buwan.
Habang gagawing P300 mula sa kasalukuyang P150 pesos kada araw ang combat incentive pay para sa mga sundalong aktuwal na nakikipaglaban sa mga kaaway ng gobyerno.