PARA sa kanilang kaligtasan, hindi na paglilinisin ng mga bintana sa labas ng matataas na flat ng kanilang mga amo ang mga Filipina domestic helper.
Sa memo mula sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) noong Oktubre 1, sinabi ni Labor Attache Jalilo dela Torre, simula sa Oktubre 15, lahat ng kontrata para sa Filipino domestic helpers ay dapat maglalaman ng “clause” na nagbabawal sa mga Filipino na maglinis ng mga bintana na nasa matatayog na gusali na tinitirahan ng kanilang mga amo.
Ang “clause” sa kontrata ay dapat magsabing: “for safety purposes, cleaning the exterior of windows is not part of the domestic helper’s duties.”
“Please ensure that employers read this part and understand it before they sign the contract you will submit to us for verification and authentication,” pahayag ng POLO memo.
Ani Dela Torre, ipinakalat na sa lahat ng accredited employment agencies sa siyudad ang memo, alisunod sa mandato ng POLO na siguraduhin ang kaligtasan mga manggagawang Filipino.
Ang memo ay bunsod nang pagkahulog at pagkamatay ng isang Filipina domestic helper na si Rinalyn Dulluog habang naglilinis ng bintana sa labas ng flat ng kanyang amo sa 49th Floor ng isang high-rise building sa LOHAS Park.