AMINADO si Department of Justice (DoJ) Sec. Vitaliano Aguirre, hanggang sa ngayon ay hindi pa rin 100 porsiyentong drug-free ang New Bilibid Prison (NBP).
Aniya, noong nakaraang linggo ay mayroon pa rin mga ebidensiya na may nangyayaring transaksiyon ng droga sa loob ng pambansang piitan.
Sa ngayon, sa pagtaya ng Justice Secretary ay naibaba na sa 90 porsiyento ang transaksiyon ng droga sa NBP.
Ngunit ipinagmalaki ni Aguirre, wala nang nakagagamit ng gadgets sa Building 14 ng maximum security compound ng NBP kasunod nang pag-install ng dalawang signal jammers.
Malakas aniya at epektibo ang inilagay na jammers dahil hindi na nakagagamit ang inmates ng cellphone na karaniwang ginagamit din para sa transaksiyon ng ilegal na droga.
Dahil dito, umaasa ang DoJ chief na pagdating nang panahon ay mawawala na nang tuluyan ang droga sa loob ng NBP.