CEBU CITY – Inilinaw ng pulisya, hindi sangkot sa illegal drugs ang bagong kasintahan ni Analou Llaguno na kasabay niya nang mangyari ang pananambang.
Ayon kay Cebu City Police Office-City Intelligence Branch head, Chief Insp. Jude Naveda, wala sa listahan si Joseph Romarate batay sa intelligence report.
Kinompirma ni Naveda, ang napatay na si Analou ay nasangkot sa illegal drug trade.
Lumabas sa separate investigation ng City Intelligence Branch, malaki ang posibilidad na drug war ang motibo sa pagpatay sa dating asawa ni Espinosa.
Ang sunod-sunod na patayan sa Cebu ay naiiugnay sa mga sindikato na sila-sila na ang sinasabing nagliligpit sa mga kasamahan.
Si Analou ay pamangkin ng dating druglord sa Cebu City na si Crisostomo “Tata Negro” Llaguno na napaslang noong 2010.
Nitong Biyernes ng hapon, sakay sa motorsiklo si Analou na minamaneho ng kanyang bagong kasintahan nang tambangan ng tatlong lalaki.
Sa nakalap na impormasyon, may lending business at apartment units ang dating misis ng Albuera’s druglord na si Kerwin Espinosa, at sinasabing dating karelasyon din ng Cebu’s top drug lord na si Jeffrey “Jaguar” Diaz.