INIHAYAG ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, ang pangatlong “more credible” narco-list ni President Rodrigo Duterte ay maaaring isapubliko sa linggong ito.
“Hopefully magiging credible ‘yan. This week baka ilabas na ‘yan kasi meron kaming Cabinet meeting on October 3 (Monday),” pahayag ni Aguirre.
Ang “narco-list” ni Pangulong Duterte ay binalot nang pagdududa makaraan aminin ang “lapses” sa pagsasangkot kay Pangasinan Rep. Amado Espino at dalawa pang public officials sa illegal drugs.
Sinabi ni Aguirre, ang pagpapalabas ng pangatlong “narco-list” ay naantala dahil nais ni Pangulong Durter na masusi itong busisiin.
“Iyong tungkol sa third narco-list, sinasabi ni Presidente na because of the lesson sa nangyari kay Espino, makailang beses niyang ipina-verify ‘yan, in other words na-check ang authenticity sa third narco list,” aniya.
Sinabi ng justice secretary, ang pangatlong listahan ay limang beses na binirepika ng law enforcement agencies.
Magugunitang sinabi ni Pangulong Duterte kamakailan, ang pangatlong narco-list ay kinabibilangan ng 1,000 indibidwal.
Aniya, may Chinese nationals at 40 judges sa nasabing listahan.
May binanggit siyang nagngangalang Diana Lagman at binanggit din ang lalawigan ng Pampanga.