PORMAL nang nilagdaan ang subpoena para sa apat pang saksi sa imbestigasyon ng House committee on Justice hinggil sa paglaganap ng ilegal na droga sa loob ng New Bilibid Prison.
Inianunsiyo ni Justice committee chairman Reynaldo Umali, kanilang ipatatawag sa Oktubre 5 sina Jaybee Sebastian, sinasabing nangolekta ng pera sa loob ng Bilibid para sa pagtakbo ni noo’y Justice Sec. Leila de Lima sa Senado; Ronnie Dayan, ang dating driver ng senadora; dating Bureau of Corrections director Franklin Jesus Bucayu; at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) executive director Reginald Villasanta.
Ayon kay Umali, nakagawa na sila ng imbitasyon at nakapagbigay na rin ng notice sa nasabing mga saksi.
Dagdag niya, hiniling mismo ng Department of Justice na padalhan ng subpoena si Sebastian kahit hindi na kailangan dahil suspendido na ang kanyang civil rights.
Iginiit ni Umali, magpapatuloy pa rin ang kanilang pagdinig kahit hindi makadalo si Sebastian sa susunod na linggo dahil sa kondisyon makaraan masangkot sa nangyaring riot kamakalawa sa Bilibid.
Ngunit binigyan-diin ng kongresista, kailangan dumalo ni Sebastian sa mga susunod na pagdinig lalo pa’t bumubuti na ang kanyang kondisyon.
Magkakaroon ng pagdinig sa Oktubre 6 at 7.