NAGPASAKLOLO sa National Bureau of Investigation (NBI), ang isang beteranong konsehal ng Maynila para maimbestigahan ang grupo ng mga kasalukuyan at dating konsehal ng Lungsod na umiikot sa mga establisimiyento para mangikil ng pera kapalit ng pagnenegosyo.
Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Councilor Bernie Ang (3rd district) na kinakailangan magkaroon ng masusing imbestigasyon para mapatawan ng kaukulang aksiyon ang naturang mga tiwaling konsehal at dating konsehal ng Maynila.
Una nang napalathala ang ginagawang panghihingi ng halagang P30,000 -P60,000 ng mga ‘konsehal’ bilang proteksiyon sa kanilang negosyo.
Sinabi ni Ang, naalarma siya matapos malaman na umiikot rin ang grupo sa ilang mga establisimiyento sa Binondo area.
Nadesmaya si Ang dahil nasisira ang imahe ng konseho sa ginagawa ng mga konsehal.
“We were elected to create meaningful laws that will redound to the benefits of the city and its residents, including those doing legitimate business in the city and not to use our position for selfish, errant interests,” dagdag ni Ang.
Pumupunta umano sa mga establisimiyento ang mga nasabing konsehal, kasama ang kanilang mga kaibigan, kumakain, umiinom pero hindi nagbabayad.
( LEONARD BASILIO )