LEGAZPI CITY – Itinanggi ng Phivolcs ang espekulasyon sa posibilidad ng twin eruption ng bulkang Bulusan at bulkang Mayon sa Albay.
Ayon kay Ed Laguerta, resident volcanologist, nasa parehong restive mode ang dalawang bulkan at nasa ilalim ng alert level 1.
Wala rin aniyang scientific basis na puwedeng sabay ang pagputok ng bulkan at wala rin koneksiyon ang dalawang bulkan o ano mang bulkan sa bansa.
Kung mangyari man aniya ang twin eruption, puwedeng nagkataon ito ngunit malabong mangyari dahil magma-driven ang Mayon habang ang pagputok ng Bulusan ay bunsod lang ng steam o hydrothermal pressures.
Kahapon naitala ang 17 pagyanig ng bulkang Bulusan.
Nananatiling nakataas sa alert level 1 (abnormal) ang bulkan at pinag-iingat ang publiko na huwag pumasok sa 4-kilometer permanent danger zone (PDZ) dahil sa biglaang phreatic eruption.