HUSAY, liksi, at diskarte ang kailangan para mabago ang buhay. At ito ay sa pamamagitan ng pagsali sa Minute to Win It na maaari ring maging milyonaryo sa loob ng isang minuto.
Sa pagbabalik ng pinaka-exciting na game show sa bansa ngayong Lunes (Hulyo 18), dala nito ang mas pinasaya at mas nakakakabang challenges na lalo pang magpapanalo sa bawat pamilyang Filipino.
Matitinding labanan ang masasaksihan araw-araw dahil sa edisyon ng Minute to Win It na Last Man Standing, mag-uuwi ng malaking premyo ang matitirang matibay.
Sa bawat Lunes at Miyerkoles ng linggo, pitong players—iba’t ibang celebrities at personalities mula sa iba’t ibang larangan at maging ordinaryong Kapamilya Players—ang magbabanggaan sa limang challenges na walang time limit at gamit ang mga ordinaryong bagay na makikita sa bahay. Ang huling player na huling makagagawa o hindi makagagawa ng challenge ang matatanggal sa pagtatapos ng bawat challenge at magpapatuloy ito hanggang sa dalawang players na lang ang matitira.
Ang dalawang players na ito ang didiretso sa Head-to-Head Challenge sa Martes at Huwebes, na magkakatapat silang muli sa limang challenges. Kailangan namang makompleto ang bawat challenge sa loob ng isang minuto na may katumbas na cash prize.
Ang player na siyang makakukuha ng pinakamalaking cash prize ang maglalaro sa Ultimate Challenge, na magkakaroon ng pambihirang pagkakataong maglaro para sa jackpot prize na P1-M.
Hindi lang ito ang maaaring mapanalunan dahil bukod sa Ultimate Challenge, pagtatagpuin ang Tuesday at Thursday winners sa isa na namang mahigpit na Head-to-Head Challenge sa Biyernes.
Mula sa magkalabang dalawang players na ito, muling kukunin ang player na maglalaro sa Ultimate Challenge na siyang tatawaging Ultimate Last Man Standing. Kaya naman sa isang linggo, maaaring umabot sa P2-M ang makuha ng isang masuwerteng player kapag nanalo siya sa dalawang Ultimate Challenges.
Buena manong maglalaro sa unang episodes ng Minute to Win It sina Richard Yap, Jericho Rosales, Maja Salvador, Coleen Garcia, Melai Cantiveros, Eric Nicolas, at Kapamilya player Marjan Nassiri sa Hulyo 18 at 19.
Susundan naman ito ng kapana-panabik na games na pagbabanggain sina Arci Munoz, Daniel Matsunaga, Joey Marquez, Denise Laurel, Baron Geisler, Negi, at Rachel Daquis sa Hulyo 20 at 21.
Sa pagbabalik ng game show, tiniyak ng ABS-CBN na mas pinalaki pa ito, dala na rin ng tagumpay at pagkilalang nakuha ng unang season nitong umere noong 2013 hanggang 2014.
Ang Pinoy edition nito ang kauna-unahang programang umere araw-araw at umere ng higit sa isang taon sa kasaysayan ng naturang franchise sa buong mundo.
Bukod pa riyan, tumatak din ang Minute to Win It ng Pilipinas dahil sa mga inilunsad nitong regular, head-to-head, at junior editions na kinopya ng ibang bansa, gaya ng Cambodia.
Samantala, maaari namang makalaro ng mga ordinaryong manonood ang kanilang paboritong celebrities bilang isang Kapamilya Player. Bukas ito para sa mga babae o lalaking 20 hanggang 50 taong gulang at kayang kayang maglaro ng physical challenges. Para sa audition dates, mag-abang lang ng updates mula sa TV at official social media accounts ng programa.