NABULABOG ang Manila Police District (MPD) headquarters sa United Nations Avenue, Ermita, Manila nang magwala at mamaril ang isang bagitong pulis na nagsabing nais niyang patayin si Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada, kahapon ng hapon.
Ilang minuto rin ang naganap na habulan bago naaresto ng mga pulis ang suspek na kinilala sa kanyang identification card na si PO1 Vincent Paul Bulacan Solares, isang non-commissioned officer.
Habang isinusulat ang balitang ito, iniimbestigahan ng mga awtoridad sa General Assignment and Investigation Section (GAIS) ng MPD si Solares upang alamin ang dahilan nang pagwawala at pamamaril.
Nauna rito, pasado 3:00 pm, dumating si Solares sa MPD headquarters na nakasuot ng uniporme at magalang na nginitian pa ang duty police sa lobby ng headquarters.
Gayonman, nang makapasok at makaakyat sa ikalawang palapag ng headquarters ay nagwala at namaril si Solares.
Pinagsisira ni Solares ang hanay ng mga larawan ng mga opisyal ng MPD na nakasabit sa pader malapit sa hagdan.
Naghagis si Solares ng mga boteng may lamang tubig sa ibaba ng headquarters at nakipaghabulan sa mga pulis na humuli sa kanya.
Agad nagpatupad ng lockdown ang MPD upang walang makapasok at makalabas ng kanilang tanggapan.
Nagpakalat rin ng mga pulis, kabilang ang mga miyembro ng Special Weapon and Tactics (SWAT).
Hindi nanlaban ang suspek nang masukol kaya’t mabilis din siyang naaresto ng mga awtoridad.
Nang tanungin, sinabi niyang nais niyang patayin si Erap.
Nakompiska mula sa suspek ang isang nakatuping larawan ni Erap, kasama sina dating MPD director, Chief Supt. Rolando Nana, Senior Supt. Marcelino Pedrozo, at isang babae na tila si Vice Mayor Honey Lacuna.
Naniniwala ang mga pulis na bangag sa ilegal na droga ang suspek, na habang kinukuwestiyon ay gigil na gigil ang hitsura, naka-de-kuwatro at pakuya-kuyakoy, tila balewala sa kanya ang kanyang ginawa.
Samantala, iniutos ng bagong director ng MPD na si Senior Supt. John Napoleon ‘Jigs’ Coronel, na alamin kung nakadroga si Solares o kung may diperensiya sa pag-iisip.
Ang suspek ay nakatakdang sampahan ng patong-patong na kaso ng indiscriminate firing, insubordination, gross misconduct at iba pa.
( LEONARD BASILIO )