Friday , November 15 2024

Inagurasyon ni Duterte simple pero seryoso

IBABAON na lamang sa limot ang mararangyang okasyon sa Malacañang dahil simula Hunyo 30, itatakda ng administrasyong Duterte na maging simple ang mga magiging pagtitipon sa Palasyo.

Mismong si incoming President Rodrigo Duterte ang humirit na gawing taimtim at simple ang kanyang inagurasyon alinsunod sa ipinangako niyang “tunay na pagbabago.”

Sinabi ni incoming Communications Secretary Martin Andanar, ang pagsasaluhan ng 627 panauhin sa inagurasyon ni Duterte sa Rizal Hall ng Palasyo ay mga putaheng Filipino tulad ng adobo, minatamis na duryan, maruya at buko juice.

Isang “modest diplomatic reception” rin aniya ang magaganap sa Malacañang pagkatapos ng inagurasyon imbes na isang magarbong pagsasalo-salo tulad ng tradisyonal na Vin d’honneur para sa mga kinatawan ng mga embahada ng iba’t ibang bansa.

Isang simpleng barong at pantalon lamang ang isusuot ni Duterte para sa kanyang panunumpa bilang ika-16 na Pangulo ng bansa.

Sa kauna-unang pagkakataon, mapapanood sa “live streaming” o ipakikita ang mga pangyayari sa loob ng Malacañan sa pamamagitan ng social media platform na Facebook.

Sinabi ni Andanar, makaraan ang pag-uusap kasama ang mga kumakatawan sa Facebook Asia Pacific, si Duterte ang kauna-unahang pangulo sa Asya na maipalalabas sa pinakamalaking social network ang inagurasyon.

“Napag-usapan ng aming tanggapan at ng Facebook kung paano sila makatutulong sa teknikal na aspeto ng ‘live streaming’ at kung gaano kahalaga ito sa sambayanang Filipino,” ani Andanar.

Bukod sa live streaming, siyam na himpilan ng telebisyon din ang tututok sa mga pangyayari sa Malacañang ngunit pahihintulutan lamang na mag-broadcast mula sa Gate 4 ng Palasyo. Ang ibang miyembro ng media ay maaaring sumubaybay sa loob ng New Executive Building Press Briefing Room na lalagyan ng “wide screen monitor.”

Rose Novenario

Leftist group nakisaya sa party ni Duterte (Sa Cebu)

CEBU CITY – Mismong si President-elect Rodrigo Duterte ang nagpahayag na may napansin siyang ilang mga miyembro ng makakaliwang grupo na nakiisa sa isinagawang Thanksgiving Party part 2 na ginanap sa South Road Properties (SRP) kamakalawa.

Sa pahayag ni Duterte, hindi niya itinuturing na banta ang nasabing grupo sa nasabing kasiyahan bagkus kanya itong binigyang atensiyon at ipinahiwatig sa mga dumalong makakaliwang miyembro na sa ngayon ay may ginagawa nang hakbang para mapag-isa ang grupo sa pamahalaan.

Pagbibigay-diin ni Duterte, hindi makakamit ang inaasam na pagbabago sa gobyerno kung patuloy na makikipagtalo sa komunistang grupo.

Inihayag niyang magmimistulang walang silbi ang kanyang pag-upo bilang presidente kung ibibili lamang niya ng mga armas at bomba ang pondo ng pamahalaan at ipabobomba sa mga kapatid na Moro sa Mindanao.

Aniya, ito rin ang naging dahilan nang kanyang pagpapalaganap sa Federal form of government na aniya’y matagal nang hinihintay ng mga Cebuano.

Corruption hotline bukas 24-oras (Sa Duterte admin)

CEBU CITY – Planong magtayo ni President-elect Rodrigo Duterte ng hotline sa Cebu para sa publiko na direktang makakokonekta sa kanya.

Inihayag ni Duterte sa kanyang talumpati sa isinagawang “One Love, One Nation” Part 2 Thanksgiving Party sa South Road Properties (SRP), lungsod ng Cebu, mayroong 12 phone lines ang magagamit na direktang makakokontak sa kanya nang 24 oras.

Ito ay pamamahalaan ng kanyang mga tauhan na siyang magsusulat sa reklamo o complaints ng tumatawag.

Layunin nito ang planong paglalagay ng hotline sa lalawigan na direkta siyang makokontak ng publiko upang i-report ang mga katiwalian ng mga empleyado at opisyal ng ahensiya ng gobyerno.

Dagdag ni Duterte, kahit ang government employees din na may alam na katiwalian sa kanilang mga opisyal ay maaari rin tumawag sa nasabing mga numero.

“Ngayon kayong mga subordinate, kung ang inyong hepe pipilitin kayo sa pagpirma. Checker kayo o ano, tawagan n’yo ako walay seremonya, ang inyong superior gawin kong checker. Para magtanda… Pahihiyain ko kayo. You better stop it because I will humiliate you. Ganoon talaga ang gagawin ko. Ikaw, ano ka? maliit lang ako rito. Halika, utusan mo ‘yan (corrupt official),” ani Duterte.

Kasabay nito, binalaan din ng alkalde ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at ang Bureau of Customs (BOC) na itigil na aniya ng kanilang mga ginagawang katiwalian sa ahensiya.

‘Go To Hell or Go To Heaven’ (Babala ni Digong sa drug lords)

CEBU CITY – ‘Go to hell or go to heaven.’ Ito ang babala ni President-elect Rodrigo Duterte sa drug lords sa harap ng mga Cebuano sa isinagawang “One Love, One Nation” part 2 Thanksgiving Party na ginanap sa South Road Properties (SRP), lungsod ng Cebu kamakalawa ng gabi.

Kasabay nito, muling pinasaringan ni Incoming President Rodrigo Duterte si Senator-elect Leila De Lima sa nasabing pagtitipon.

Ang nasabing pasaring ay idinaan ni Duterte sa pamamagitan ng biro.

Inamin ni Duterte, marami ang tumatawag sa kanyang berdugo kabilang na si dating Justice Secretary Leila De Lima dahil sa mga napababalitang pagpatay niya sa mga kriminal.

Pagbibigay-diin ni Duterte, hindi niya dapat ikahiya ang pagtawag sa kanya na berdugo dahil mas dapat aniyang ikahiya ang situwasyon ngayon sa New Bilibid Prison (NBP) na pinagmumulan ng ilegal na droga.

Inihayag ng incoming president, mismong sa loob ng Bilibid ginagawa ang mga ilegal na droga.

Sinabi ni Duterte, mababa na ang tingin sa ating bansa dahil sa loob mismo ng maximum security compound iniluluto ang droga. Kinompirma rin niya ang sabwatan ng ilang police generals sa mga bigtime drug syndicate.

About Hataw News Team

Check Also

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *