KUNG kakaibang katatakutang pelikula ang hanap nyo, hindi dapat palagpasin ang Teniente Gimo na palabas na ngayong June 1.
Ukol ito sa isang kapitan ng barangay sa bayan ng Dueñas noong dekada 50 sa Iloilo, ang pinaniniwalaang isang aswang. Siya’y kilala bilang Teniente Gimo at sa kanya ibinibintang ang mga karumal-dumal na pagpatay, na ang mga biktima ay tinanggalan ng puso at bato.
Ang asawa ni Gimo ay si Melba at mayroon silang anak na si Ella. Ayon sa urban legend, inutos ni Gimo na patayin ang isang dalaga para gawing handa sa isang pista, ngunit nagkamali ang kanyang mga tauhan at sa halip ay si Ella ang napatay. Tiyak na naka-kikilabot na horror movie ang kalalabasan ng kuwentong ito, ngunit isa pang kakaiba at interesanteng anggulo ang ipinakita ng KIB Production at RMS Productions, at ang resulta’y isang horror movie na may romance at comedy.
Sa Teniente Gimo, makikita kung paano naapektuhan ni Gimo ang pag-iibigan ng kanyang anak na si Ella at ng isang disenteng binata na si Victor. Dahil sa kanyang reputasyon, maraming galit kay Gimo at nangunguna na rito si Gado na mismong kapamilya niya at naging biktima rin ng aswang. Ang dating karelasyon ni Gimo na si Ursula ay nakipagkasundo kay Victor upang kalabanin ang mga aswang, tik-tik at wak-wak. Kasama nila ang kaibigan ni Victor na si Bentong, at si Lolo Ambo na matagal nang kumakalaban sa mga ganitong klase ng nilalang.
Ginamit ng director na si Roland M. Sanchez ang mga cinematic technique, (tulad ng quick frantic cuts) na subok nang nagbibigay suspense sa mga manonood. At dahil usong-uso ngayon ang mga “hugot lines”, ito ang nagdala sa aspetong romance-comedy ng pelikula.
Ang kuwento ay isinasalaysay ng isang matandang babae na nagsasabing nasaksikan niya mismo ang mga pangyayaring inilahad sa pelikula. Kung sino ang babaeng ito ay isang sorpresa para sa mga manonood.
Ang Teniente Gimo ay pinagbibidahan nina John Regala (bilang si Gimo), Julio Diaz, Mon Confiado, Suzette Ranillo, Eliza Pineda at Joshua Dionisio na gumaganap na magkasintahan, at si Kate Brios. Palabas na sa mga sinehan simula sa June 1, ito’y distributed ng VIVA Films.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio