Sino kaya ang susunod na Pangulo?
Almar Danguilan
May 10, 2016
Opinion
TAPOS na ang eleksiyon 2016, sino kaya ang susunod na mamumuno sa bansa?
Lima ang pinagpilian natin sa pagkapangulo, sina dating DILG Sec. Mar Roxas; Vice President Jejomar Binay; Davao City Mayor Rody Duterte; Senator Grace Poe; at Senator Miram Defensor.
Sino kaya sa lima ang mamumuno sa bansa sa loob ng anim na taon (2016- 2022)? Habang isinusulat (kahapon, dakong 10am) ang pitak na ito, kasalukuyan pa rin nagaganap ang botohan. Nagdagsaan sa kani-kanilang voting precinct ang milyon-milyong botante at hindi iniinda ang sobrang init ng panahon mailagay lamang ang kanilang saloobin sa kung sino ang gusto nilang susunod na magiging pangulo ng bansa.
Karamihan sa nagsabi na si ganito ang kanilang ibinoto/iboboto sa paniwalang malaki ang maitutulong sa bansa partikular na sa problema sa ekonomiya na mag-aangat sa buhay ng mahihirap.
Maraming beses na rin tayong nagpalit o bumoto ng pangulo para sa bansa at nanalo naman ang manok niyo/natin. Ibinoto sa paniwalang tutuparin ang pangakong iaangat ang buhay ng bawat Filipino pero ano ang nangyari, si Juan Dela Cruz ay nananatiling pulubi.
Kaya kumusta ang pagboto ninyo kahapon, sana ay hindi tayo nagkamali sa kung sino ang ibinoto lalo na sa pagkapangulo… sana hindi tayo nagpadala sa matatamis na pangako… sana sinunod natin ang ating konsensiya at hindi ang bulong nang marami o sumakay na gustong iboto ng nakararami.
Alalahanin natin, anim na taon ang bubunuin ng bagong pangulo para tuparin ang kanyang mga pangako, sana naman ay hindi tayo bibiguin ng idedeklarang mananalo sa mga susunod na araw.
Higit sa lahat din, sana’y wala tayong marinig na pagsisisi kapag ang pinaupo natin ay baluktok pala.
Ang kasalukuyang administrasyon, marami tayong narinig hanggang ngayon na tila nagsisisi sa pagboto kay PNoy noon. Ibinoto siya dahil namatay ang dating Pangulong Cory noon pero, maraming desmayado sa mama kahit na masasabing may mga nagawa naman ang kanyang administrasyon – pagpapakulong sa kanyang mga kalaban este, sa mga tiwali daw pero mistula nga lang may kinikilingan ang administrasyon,
Kapag kakampi kasi nila ang inirereklamo, matagal ang pag-usad ng imbestigasyon o pagpapakulong sa kanila pero kapag oposisyon, dali-daling nakakasuhan at naipakukulong.
Pagdating naman sa kahirapan, sa kabila ng 4Ps, nananatiling hirap pa rin ang maraming kababayan natin.
Oo nga’t binibigyan sila ng barya sa 4Ps pero lumalabas na walang kuwenta, nananatiling isa o dalawang beses pa rin kumakain ang maraming kababayan natin na tumatanggap na ng 4Ps.
Isa lang ang ibig sabihin nito, bigo ang gobyernong Aquino sa tuwid na daan patungo sa pag-asenso ng bawat Filipino.
Masasabing bigo sapagkat mali ang paraan ng pagtulong – ang pagbibigay ng 4Ps na nagtulak pang mas maging tamad na kumilos si Juan dela Cruz para kumita para sa kanyang pamilya.
Ngayon, kahapon ay ibinoto natin ang pinaniniwalaan nating malaki ang maitutulong sa bawat Filipino, sana naman ay hindi maulit ang mga nakaraan na pulos gantihan ang trabaho at kinalimutan ang taumbayan na naghihikahos.
Sana nga mga kababayan, tama ang inyong mga ibinoto lalo sa pagkapangulo. Nawa’y prayoridad niya ang mamamayan at hindi ang kanyang bulsa.
So, abang-abang tayo mga kababayan, sino kaya ang susunod na pangulo ng bansa?
Lord, nawa’y hindi kami nagkamali sa pagboto sa pagkapangulo.
Malamang, hanggang ngayon ay bilangan pa rin ng balota sana’y naaayos sa kagustuhan ng Panginoong Diyos ang mananalo.
Hindi pa tapos ang bilangan, magbantay tayo bayan.