ni Gerry Baldo
INILUNSAD kahapon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang programang “Alagang Kongreso” na naglalayong masiguro na mailayo sa karamdaman ang mga empleyado at maging ang mga retired employees ng Kamara.
Bukod dito, nagtayo rin ng opisina ang Kamara para mag-asikaso sa publiko na lumalapit sa kapulungan para humingi ng anumang tulong.
“We express our gratitude to Speaker Bojie Dy for initiating the three programs, a clear reflection of his concern and compassion for the plight of House personnel and retirees,” ani House majority leader Sandro Marcos.
Sa nasabing programa, magkakaroon ng bagong executive check-up package ang lahat ng empleyado ng Kamara, bawat empleyado ay magkakaroon ng executive check-up coverage na nagkakahalaga nang hanggang P75,000 habang P65,000 sa mga opisyal ng secretariat.
Aabot sa P30,000 ang executive check-up coverage ng mga empleyado, co-terminus personnel, congressional staff, at contractual employees.
Nakasaad sa programa na puwedeng dumeretso sa ospital na gusto ng mga empleyado para sa kanilang check-up at babayaran ito ng Kongreso sa mga accredited partner hospital ng Kamara na ang Kapulungan ang magbabayad nang direkta.
“Alagang Kongreso is about making care visible. Kapag mas madali ang access sa check-up, mas malinaw ang support system para sa retirees, at mas maayos ang paglapit ng taong-bayan para sa tulong, mas nagiging makatao ang institusyon at mas nagiging maayos ang serbisyo,” ani Marcos.
Inilunsad din ang Dakilang Yugto para sa lahat ng retired employees at Suporta sa Bayan Desk upang patuloy na matulungan ang mga dating empleyado ng kapulungan at publiko na nangangailangan ng medical check-up.
Ayon kay House Secretary General Atty. Cheloy Velicaria-Garafil inilunsad ang nasabing programa para matugunan ang mga karaniwang problema sa mga empleyado ng mga pampublikong institusyon na idine-delay ang pagpapa-check-up dahil may kamahalan ito.
“The health package is one of the most concrete parts of Alagang Kongreso because it answers a need people feel immediately. Mas nagiging posible ang preventive care at hindi na laging ipinagpapabukas ang pagpapatingin kung may malinaw na proseso at coverage,” ayon kay Velicaria-Garafil.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com