Friday , March 6 2026
https://www.facebook.com/bingoplusph
POLPHIL

Suspensiyon ng fuel excise tax hiniling sa pagtaas ng presyo ng langis

IPINAHAYAG ng People’s Progressive Humanist Liberal Party (POLPHIL) ang matibay nitong suporta sa panawagan ni Senador Bam Aquino na suspendihin ang fuel excise tax sa inaasahang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado dahil sa lumalalang sigalot sa pagitan ng Iran at Estados Unidos, na ngayon ay kinasasangkutan na ng ilang bansa sa Gitnang Silangan.

Sa isang pahayag, sinabi ni Ricardo Serrano, Kalihim-Heneral ng POLPHIL, na napapanahon at kinakailangan ang panukala upang maibsan ang mabigat na epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa mga Filipino.

“Ang panawagan ni Senador Aquino ay isang praktikal at agarang hakbang upang tugunan ang nalalapit na pagtaas ng presyo ng langis. Ang suspensiyon sa excise tax sa fuel ay makatutulong upang agad mabawasan ang pasanin ng karaniwang mamamayan at mapigilan ang pagtaas ng pasahe at presyo ng mga bilihin,” ani Serrano.

Dagdag niya, ang panukala ay kaayon ng naunang plano ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na ihinto ang fuel taxes kung pagkakalooban ng Kongreso ang pamahalaan ng kinakailangang emergency powers.

Ani Serrano, ang suspensiyon ng fuel excise tax ay hindi lamang isang makatuwirang hakbang pang-ekonomiya kundi mahalagang anyo rin ng social protection para sa milyon-milyong Filipino.

“Ito ay isang agarang proteksiyon para sa ating mga kababayan—lalo sa mga commuter, transport workers, maliliit na negosyante, magsasaka, at mangingisda—na unang tatamaan ng pagtaas ng presyo ng langis,” dagdag niya.

Samantala, nanawagan rin si POLPHIL Vice Chairman Elmer Argaño sa Kongreso na kumilos nang mabilis at may malinaw na pagpapasya.

“Kung nagawa ng Kongreso na mabilis na maipasa ang impeachment complaint laban kay Bise Presidente Sara Duterte noon, dapat ay mas maging maagap pa sila ngayon sa pagprotekta sa mga Filipino laban sa epekto ng pagtaas ng presyo ng langis,” ani Argaño.

Nanawagan si Argaño sa pamahalaan na maghanda ng konkretong contingency plan para sa overseas Filipino workers (OFWs) sa Gitnang Silangan, na maaaring malagay sa panganib dahil sa patuloy na lumalalang sigalot sa rehiyon.

“Hindi sapat ang simpleng pagmamanman sa sitwasyon. Kailangan maghanda ang pamahalaan ng malinaw at agarang contingency plan, kabilang ang repatriation mechanisms at suporta sa kabuhayan para sa mga OFW na maaaring mapilitang umuwi kasama ang kanilang mga pamilya,” aniya.

Sa pagtatapos, binigyang-diin ni Serrano na sa panahon ng krisis nasusukat ang tunay na pamumuno.

“Ang tunay na sukatan ng pamumuno ay kung gaano kabilis at kaseryosong tumutugon sa pangangailangan ng mga pinakaapektado. Ngayon ang pagkakataon ng Kongreso na unahin ang kapakanan ng mamamayang Filipino kaysa anumang kalkulasyong pampolitika,” pagtatapos ni Serrano. (TEDDY BRUL)

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Teddy Brul

Check Also

Sara Duterte

“Sufficient in substance” idineklara sa 2 impeachment complaint vs Sara

ni Gerry Baldo IDINEKLARA ng House Committee on Justice na ang natitirang dalawang impeachment complaint …

Matias B Salvador Elementary School sa bulacan ninakawan

Eskuwelahan nilooban ng tatlong kawatan

HINDI pinatawad ng tatlong lalaking kawatan ang isang eskuwelahan sa Pandi, Bulacan nang kanila itong …

Brian Poe

Rep. Brian Poe: “Sa pagtaas ng presyo ng langis, kailangan ng agarang ginhawa para sa mga Filipino”

MANILA — Nagpahayag si Congressman Brian Poe ng kahandaan na suportahan ang pagbibigay ng limitadong …

Taguig NCCA Vista mall

Arts Festival 2026 inilunsad ng Taguig LGU sa Vista Mall

OPISYAL na binuksan ang Taguig Arts Festival 2026 nitong nakaraang Sabado, 28 Pebrero, sa pamamagitan …

Stella Quimbo Money Maleta

Idiniin ng 2 Ex-Marines
Ex-solon tumanggap ng male-maletang pera

KINOMPIRMA ng dalawang dating Marines ang nauna nilang pahayag na naghatid sila ng mga maleta …