ni Allan Sancon
BALOT ng matinding lungkot ang pamilya nina Anne at Jasmine Curtis-Smith matapos pumanaw ang ama nilang si James Curtis-Smith.
Kinompirma mismo ito ni Anne sa isang madamdaming Instagram post nitong Miyerkoles, Enero 7, ibinahagi nito ang hindi inaasahan ngunit payapang pagpanaw ng kanilang ama, isang balitang mabilis na umantig sa puso ng publiko at ng buong showbiz community.
Sa kanyang pahayag, emosyonal na inilarawan ni Anne ang kanyang ama bilang isang tunay na patriyarka ng kanilang pamilya. “It is with profound sadness that we announce the unexpected yet peaceful passing of our father, James E. Curtis-Smith,” anang aktres.
Dagdag pa niya, ang kanyang ama ang humubog sa kanila sa pamamagitan ng lakas, tibay ng loob, at katalinuhan—mga mga bagay na mananatiling buhay sa kanilang puso at alaala. “He was deeply loved, endlessly admired, and will live on in our hearts always. We will miss him dearly,” saad pa ni Anne.
Kasabay ng pagdadalamhati ng magkapatid ay ang pagbuhos ng pakikiramay mula sa kanilang mga kaibigan sa industriya. Nagkaisa sa lungkot ang showbiz community upang damayan sina Anne at Jasmine sa mabigat na pagsubok na ito.
Kabilang sa mga unang nagpaabot ng pakikiramay ang kaibigang si Karylle, na nag-iwan ng mensaheng puno ng malasakit: “Sorry to hear this Anne. Sending all my love. Our prayers and deepest condolences,” na agad umani ng simpatya mula sa netizens.
Hindi rin nagpahuli ang iba pang malalapit na kaibigan ni Anne tulad nina Vice Ganda, Isabelle Daza,at Solenn Heussaff, na sa kani-kanilang social media posts ay nagpaabot ng dasal, yakap, at walang hanggang suporta.
Maging ang mga kaibigan ni Jasmine ay nagpahayag din ng kanilang pakikiisa, binigyang-diin ang pagiging close-knit ng pamilya at ang mabuting pagpapalaki ng kanilang ama sa magkapatid.
Sa kabila ng matinding lungkot, ramdam na ramdam ang pagmamahal at pagkakaisa ng showbiz family at ng publiko para kina Anne at Jasmine. Sa oras ng pagluluksa, ang taos-pusong suporta ng mga kaibigan at tagahanga ang nagsilbing lakas at sandigan ng magkapatid—patunay na sa gitna ng pagkawala, hindi sila nag-iisa.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com