ni Allan Sancon
STAR studded at tunay na engrande ang Red Carpet Premiere ng Shake, Rattle & Roll: Evil Origins na dinaluhan ng mga bigating artista at personalidad na bumubuo sa pinakabagong kabanata ng iconic na horror franchise.
Agaw-eksena ang pagdating ng mga bida na talaga namang dinumog ng fans at media, patunay na mataas ang interes at pananabik ng publiko sa pelikulang ito.
In fairness, mula umpisa hanggang dulo ay kapansin-pansin ang husay ng pagkakagawa ng pelikula. Pinalakpakan ang bawat eksena dahil ramdam na pinag-isipan at pinaghirapan ang bawat detalye. Hindi tinipid ang production—de-kalibre ang mga special effect, pulido ang cinematography, at maging ang mga kasuotan ng mga artista ay halatang pinaglaanan ng oras at budget.
Malaki rin ang ambag ng epektibong scary sound effects na mas lalong nagpalalim sa tensyon sa bawat isa sa tatlong episodes.
Dagdag pa rito ang kahusayan sa pag-arte ng mga beterano at mahuhusay na artista. Natural at makatotohanan ang kanilang pagganap kaya mas madaling pumasok ang manonood sa mundo ng takot na kanilang inilahad. Sa ilang piling eksena, hindi mo mapipigilang mapaatras sa upuan—talagang tumatayo ang balahibo, lalo na sa mga biglaang tagpo at matitinding eksenang kaabang-abang.
Walang itinuturing na “tapon” sa tatlong istoryang handog ng pelikula. Bawat episode ay may sariling konsepto, sariling takot, at sariling sorpresa na tiyak na tatatak sa isipan ng manonood. Sulit na sulit ang ibabayad sa sinehan dahil sa halip na isa, tatlong magkakaibang horror stories ang inyong mapapanood sa iisang pelikula.
Higit sa lahat, ito lamang ang nag-iisang horror film na kabilang sa 51st Metro Manila Film Festival, kaya siguradong standout ito sa mga handog ngayong Kapaskuhan.
Kung hanap ninyo ay pelikulang magpapasigaw, magpapakaba, at magpapatayo ng balahibo, huwag palalampasin ang Shake, Rattle & Roll: Evil Origins, na mapapanood simula December 25, 2025 sa mga sinehan sa buong bansa sa ilalim ng Regal Entertainment, Inc..
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com