BANGKOK — Bumangon ang Alas Pilipinas mula sa pagkakaiwan ng dalawang set upang talunin ang matatag na Vietnam, 23-25, 23-25, 25-18, 25-22, 16-14, at maiuwi ang bronze medal sa men’s indoor volleyball ng ika-33 Southeast Asian Games nitong Biyernes sa Indoor Stadium Huamark.
Nag-deliver ang mga beteranong sina Marck Espejo at Bryan Bagunas sa nerve-wracking na fifth set upang pigilan ang matinding paglaban ng mga Vietnamese. Ngunit si Lloyd Josafat ang tumapos sa laban para sa Pilipinas, matapos ihatid ang game-winning ace na nagwakas sa anim na taong medal drought ng bansa sa biennial meet.
“Nu’ng una medyo nagkulang kami, pero ’yun ang sinabi namin sa isa’t isa—hindi pa tapos ang laban. Talagang nilaban namin hanggang sa dulo at sobrang saya namin na nakuha namin ang bronze medal,” ani Bagunas.
Sumabog si Espejo para sa 30 puntos mula sa 25 kills, tatlong kill blocks at dalawang aces para sa Pilipinas, na mabilis na nakabawi matapos ang masakit na straight-sets semifinal loss laban sa Thailand noong Huwebes.
Nagtala si Leo Ordiales ng 20 puntos, anim sa 19 puntos ni Bagunas ay nagmula sa deciding frame, habang nag-ambag sina Josafat at Peng Taguibolos ng 11 at pitong puntos, ayon sa pagkakasunod, para sa Alas. Muling umakyat sa podium ang koponan matapos ang dalawang magkasunod na fifth-place finishes kasunod ng makasaysayang silver medal noong 2019 Manila edition.
Dala ang momentum matapos mapanalunan ang ikatlo at ikaapat na set upang maitulak ang laban sa deciding fifth set, mabilis na umarangkada ang Alas sa 9-5 na kalamangan.
Lumapit ang Vietnam sa iskor na 11-12 bago umiskor si Espejo sa isang off-speed attack na sinundan ng hit ni Bagunas upang maabot ng Alas ang match point, 14-11.
Hindi sumuko ang mga Vietnamese at nag-rally upang ipilit ang deuce, 14-14.
Pinatigil ni Bagunas ang momentum ng kalaban sa isang malakas na kill upang muling bigyan ang Alas ng kalamangan sa match point.
Kasunod nito, pinakawalan ni Josafat ang isang flat ball serve na hindi nakontrol nina Ngoc Nguyen Thuan at Tran Ann Tu, habang umalingawngaw ang sigawan ng mga Pilipinong tagahanga sa isang bronze medal na parang ginto ang halaga.
Nawala sa saysay ang 27 puntos ni Pham Quoc Du para sa Vietnam, na nagkaroon din ng two-set lead laban sa defending champion Indonesia sa semifinals bago kapusin.
Nagtala si Truong The Khai ng 15 puntos, habang nagtapos sina Thuan at Tran Duy Tuen na may 14 at 13 puntos, ayon sa pagkakasunod, para sa Vietnam. (POC Media Pool)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com