TINAPOS ng San Beda University ang kampeonato sa men’s basketball ng NCAA Season 101 nang talunin ang Letran, 83-71, sa Game 2 sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City noong Sabado.
Ito ang ika-24 na titulo ng San Beda sa kasaysayan ng NCAA.
Pinangalanang Finals Most Valuable Player si Bryan Sajonia matapos magtala ng 21 puntos, siyam na rebound, dalawang assist at isang steal.
Pinangunahan din ni Sajonia ang San Beda sa panalo sa unang laro noong Miyerkules, 89-70, matapos umiskor ng 17 puntos, anim na rebound at tatlong assist.
May 14 na puntos na kalamangan ang Red Lions bago nakabuslo si Deo Cuajao ng isang tres na naglapit sa Knights sa 69-73, may 2:51 na lang sa fourth quarter.
Isang three-pointer ni Sajonia ang muling nagpalayo sa San Beda, 76-69, may 1:57 na natitira.
Nag-ambag si Yukien Andrada ng 21 puntos habang si Nygel Gonzales ay may 19 puntos para sa Red Lions.
Gumawa si Jonathan Manalili ng 15 puntos, pitong assist at anim na rebound, habang nagdagdag sina Kevin Santos at Jun Roque ng tig-14 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod, para sa Knights na nanaig sa unang dalawang quarter. (HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com