BANGKOK — Naniniwala ang Philippine women’s ice hockey team na mayroon pa rin silang tsansa para sa gold medal sa debut ng sport sa Southeast Asian Games kahit natalo sila sa host country Thailand, 13-0, sa kanilang opening game sa Thailand International Ice Hockey Arena nitong Miyerkules.
Bilang underdogs, mas nakabawi ang Pilipinas sa second at third periods matapos tumanggap ng pitong goals mula sa home team sa opening period pa lamang.
“Makikita mo na bawat period, mas gumaganda ang laro namin. Hindi kami nakapagbigay ng masyadong maraming shots sa second at third periods. Positibo ‘yun para sa amin,” sabi ni team captain Bianca Cuevas pagkatapos ng laro.
Sa kabila ng malaking talo, naniniwala ang koponan na malakas pa rin sila sa rehiyon — lalo na’t nagwagi sila ng gold sa 2025 IIHF Women’s Asia Cup, ang unang titulo ng bansa sa ganoong antas ng kompetisyon.
Ngunit matindi ang Thailand, na lumalahok sa Division III A ng IIHF Women’s World Championship. Umabot sa mahigit 60 shots on goal ang pinakawalan ng Thais laban sa Philippine goalie na si Rosalyn Lim.
Kahit marami ang na-save ni Lim, nanaig pa rin ang Thailand dahil sa dami ng kanilang attempts.
Gayunpaman, positibo pa rin ang Pilipinas sa nalalabing mga laban.
“I think Thailand is the most skilled team that we’ve ever gone against. Noong huli naming laban sa kanila, mas grabe ang score. Kaya ang game na ito ay pagkakataon lang para i-set ang tone sa tournament,” sabi ni alternate captain Danielle Imperial.
“If we play against the rest of the teams the way we played against Thailand, makikita ulit namin sila sa dulo. Hindi nito inaalis ang chance namin na makuha ang medal na gusto namin. From here, it’s only up.”
Magtatangka ang Pilipinas na makabawi laban sa Singapore sa December 12, sa parehong venue, 4 p.m. local time. (PSC MCO/HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com