KAMI sa Philippine Sports Commission ay buong pusong ipinagmamalaki ang aming Chairman na si Patrick “Pato” Gregorio, na humarap sa mga opisyal ng FIVB at Volleyball World, sa limang pangulo ng continental confederations, at sa 24 na kasaping bansa ng FIVB Board of Administration upang isulong ang isang pitong-taóng estratehikong plano para sa pag-unlad ng volleyball sa Pilipinas, sa pakikipagtulungan sa FIVB at Volleyball World.
Layunin ng programang ito na palakasin ang pambansang koponan ng Pilipinas, linangin ang mga batang atleta mula sa grassroots, palawakin ang kakayahan para sa sports tourism, at isulong ang pinakamahuhusay na pagpapahalaga sa larong volleyball para sa kabataan at mga komunidad sa buong bansa na may pagmamahal sa isports.
Mula sa mensahe ni Chairman Pato Gregorio sa FIVB Board:
Inabot tayo ng 96 na taon bago natin nakuha ang ating unang gintong medalya sa Olympics. Inabot pa tayo ng apat na taon para makakuha ng dalawa pa. Si Hidilyn Diaz, ang ating pambansang kayamanan, ay dumaan sa apat na Olympic cycles at 16 na taon bago niya naiuwi ang unang ginto para sa atin. Sa pakikipag-ugnayan naming ito sa FIVB, umaasa kaming sa loob ng pitong taon ay marami pa kaming maiuulat na tagumpay.
Nang tanungin ko ang isang batang Pilipino na nag-aaral magboksing kung bakit siya nagsusuot ng gloves at natutong lumaban sa edad lima o anim, ano ang sagot niya?
“Para kay mama.”
Ito ang puso ng sports sa Pilipinas—dito hinuhugot ng ating mga atleta ang kanilang layunin. Para makatulong sa pamilya. Para makapag-aral. Para manalo sa Olympics at ipagmalaki ang bayan.
Ang bansang pinagmulan ni FIVB President Fabio Azevedo, ang Brazil, ay lubos ding nakakaunawa sa layuning ito: kung paanong ang kahirapan at pagsubok ay lumilikha ng mga bayani. Sapagkat ang isports ay isang dakilang pantay-pantay na larangan, at sa pamamagitan nito, kahit ang pinakapayak na Pilipino ay maaaring magbigay ng pinakamataas na karangalan sa ating bansa.
Ang FIVB ay itinuturing naming mga kaibigan, kapatid na lalaki at babae, dahil sa isang malalim na pagkakaisa sa pag-ibig at layunin: ang isports ay hindi lamang tungkol sa kompetisyon; ito ay tungkol sa pamana.
Kasama ko si Caloy Yulo nang manalo siya ng ginto sa 2024 Paris Olympics, at natutunan kong ang isa sa pinakamahirap na gawin, kahit pa matagal ka nang nasa sports, ay ang awitin ang Pambansang Awit habang itinataas ang watawat ng Pilipinas sa pinakamalaking paligsahan ng isports sa mundo. Hindi mo magawa—dahil naiiyak ka.
Napakahirap kantahin ang Lupang Hinirang habang humihikbi.
Mula sa grassroots tungo sa ginto. Mula sa ginto tungo sa kadakilaan. Ito ang kwento ng ating bayan. Tumulong kayong isulat ito. Gawin nating tahanan ng volleyball ang Pilipinas.
Maraming salamat, FIVB. Mahal namin kayo. (PSC Release)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com