SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
NAKATUTUWA pala ang love story nina Alfred Vargas at misis nitong si Yasmine Espiritu. Na-love at first sight agad ang aktor kay Yasmine samantalang matagal naman na siyang crush ng huli.
Naibahagi nina Alfred at Yasmine ang ukol sa kanilang love story nang mag-guest sila sa Fast Talk with Boy Abunda.
Ani Alfred, taong 2008 nang una silang magkita ni Yasmine sa isang event sa Sta. Cruz, Laguna. Pagkakita pa lang niya kay Yasmine nasabi niya sa sarili na iyon ang babaeng gusto niyang mahalin at makasama forever.
“Rewind muna tayo sa backstage. Artista ako noon, mayroon ding ibang artista na nandoon tapos napansin ko parang mas maraming nagpapa-picture sa isang tao roon at siya (Yasmine) ‘yon,” pagbabalik-tanaw ni Alfred.
“Sabi ko, grabe ang ganda niya. So, love at first sight talaga,” nakangiting wika pa ng konsehal/aktor.
Inamin naman ni Yasmine na crush na niya noon pa si Alfred. Napanood niya ang aktor sa isang programa sa telebisyon.
“Naalala ko pa noon nasa sala kami kasi ‘di ba noon kapag nanonood ng afternoon drama, nakita ko siya (Alfred). Sabi ko kay Lola, ‘Sino ‘yan?’ Sabi niya, ‘si Alfred Vargas.’”
At nasabi niya sa kanyang Lola na balang araw ay makikilala at mapapangasawa niya si Alfred. Na siya ngang nangyari pagkalipas ng ilang taon.
Nagpakasal sina Alfred at Yasmine noong 2017 at biniyayaan ng apat na anak – sina Alexandra Milan, Aryana Cassandra, Cristiano, at Aurora Sofia.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com