SINIMULAN ng baguhang Pasay Lady Voyagers, na binubuo ng mga miyembro ng Philippine Air Force kasama ang beteranong setter na si Wendy Anne Semana, ang kanilang kampanya sa Maharlika Pilipinas Volleyball Association (MPVA) Season 2 sa panalo matapos pataubin ang Negros ICC Blue Hawks.
Itinakas ng Lady Voyagers ang panalo sa iskor na 25-23, 13-25, 25-18, 23-25, 15-8, sa tulong ng matatag na paggiya ni Semana na naglatag ng set para kay Florize Papa, na tumapos sa pamamagitan ng matinding atake para maselyuhan ang unang panalo ng koponan. Ginanap ang laro sa bagong tayong City of Dasmariñas Arena sa Cavite.
Samantala, nilinaw ni Dr. Rustico “Otie” Camangian, National University Athletic Director at UAAP Board representative, na walang nilalabag na polisiya ang mga manlalarong kalahok mula sa kolehiyo.
“MPVA is a volleyball developmental league and UAAP considered it, for the time being, neither a professional nor a commercial league. Therefore, players can take part,” paliwanag ni Camangian, na binigyang-diin ang layunin ng liga na hubugin ang mga atleta at magbigay ng mataas na antas ng kompetisyon hindi lamang sa student-athletes kundi pati na rin sa mga homegrown talents.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com