Wednesday , January 7 2026
https://www.facebook.com/bingoplusph
Alas Pilipinas FIBV
LUMABAN ang Alas Pilipinas ng buong tapang hanggang huli, kung saan naglaro ito dahil host ang bansa ng torneo laban sa World No. 16 Iran at nanaig ang kalaban, 21-25, 25-21, 17-25, 25-23, 22-20, upang umabante sa Round of 16 ng 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship. (HENRY TALAN VARGAS)

Alas Pilipinas, inukit ang pamana ng puso sa kabila ng pagkatalo

NAGTAPOS ang kwento ng Alas Pilipinas sa kauna-unahan nitong paglahok sa World Championship nitong Huwebes ng gabi — ngunit hindi ito nagtapos nang walang tapang at puso.


Lumaban nang matindi ang World No. 16 Iran laban sa Pilipinas — at sa libo-libong tagahanga sa SM Mall of Asia Arena — sa isang labanang punô ng tensyon, salamat sa isang clutch challenge na nagbigay sa kanila ng panalo, 21-25, 25-21, 17-25, 25-23, 22-20, upang umabante sa Round of 16 ng 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship bilang huling Asian team na natira sa kompetisyon.


“Proud ako kasi sobrang laki ng in-improve namin. Ipinakita namin na kaya naming maglaro ng magandang volleyball. Maraming salamat sa lahat ng fans na pumunta at sumuporta. Nakakalungkot lang na natalo kami kasi para kaming nasa panaginip — at ginising kami isang puntos bago ito natapos,” pahayag ng head coach ng Alas na si Angiolino Frigoni.


“Pero sa palagay ko, naglaro kami gamit ang galing, lakas, puso, at isip. Masaya ako para sa kanila. Mas gusto kong matalo sa ganitong paraan kaysa sa matalo ng 15-10 o 15-8 o 15-7. Masakit ito, pero proud ako sa kanila. Sobrang proud.”


Matapos bumangon mula sa pagkakaiwang 6-10 sa deciding set, nakamit ng Alas Pilipinas ang anim na match point, ang huli ay sa 19-18. Doon, akala ng lahat ay natapos na ang laban nang i-block ni Kim Malabunga si Ali Haghparast.


 Ganoon ang akala ng 14,240 na tagahanga sa arena. Maliban sa head coach ng Iran na si Roberto Piazza.


Humiling si Piazza ng net fault challenge habang nagdiriwang na ang Philippine team at nakaluhod na ang Iran. Sa video challenge, nakita na bahagyang nadikit ng kanang kamay ni Malabunga ang net habang bumababa, kaya naging 19-all ang iskor.


Sa sumunod na play, si Yousef Kazemi ang nagbigay ng unang match point sa Iran matapos i-block si Malabunga, ngunit bumawi si Bryan Bagunas sa isang backrow hit para gawing 20-all.


Muling sumagot si Haghparast ng isang off-the-block hit, bago tinapos ni Kazemi ang laban sa pag-block kay Marck Espejo — buo ang comeback ng Iran sa loob ng dalawang oras at 27 minuto.


Bagaman talunan, hindi kailanman dapat ikahiya ng Alas Pilipinas ang naging performance nito. Naungusan nito ang Egypt dalawang araw ang nakalipas para sa isang makasaysayang panalo, at halos matalo ang Iran sa limang set. At isipin pa — nakapasok lang ang bansa dahil host ito ng torneo.


Bumawi si Bagunas matapos limitahan sa apat na puntos sa unang dalawang set at nagtapos na may 22 puntos mula sa 18 spikes, 3 blocks, at isang ace.


Nagpakitang-gilas rin ang 22-anyos na si Leo Ordiales na may 21 puntos, habang si Espejo ay nagtala ng 15 puntos mula sa 12 spikes at 3 blocks.


Nag-ambag si Malabunga ng 10 puntos habang si Owa Retamar naman ay nagtala ng 48.28% setting efficiency at may 5 puntos, kabilang na ang isang 1-2 play na nagbigay ng unang match point sa Alas sa 14-13.


Nakuha ng Iran ang second seed sa Pool A kahit tabla sa 2-1 record kasama ang Tunisia, dahil lamang sa mas mababang match points ng huli.


Makakaharap ng Iran ang top seed mula sa Pool H, na pinaglalabanan pa ng Serbia at Czechia.


Nanguna para sa Iran sina Poriya Hossein Khanzadeh at Ali Hajipour na may tig-22 puntos. (FIVB Media)

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Henry Vargas

Check Also

Pato Gregorio PSC PHILTA

Paris Olympic silver medalist Krevic, world No. 45 Maria nanguna sa maagang listahan ng mga kalahok sa PH Open

PANGUNGUNAHAN ng dating world No. 2 at Paris Olympic silver medalist na si Donna Krevic …

Bambol Tolentino

Manila unang punong-abala sa 2028
Tolentino pangungunahan paglikha ng SEA Plus Youth Games

PANGUNGUNAHAN ni Philippine Olympic Committee (POC) President, Abraham “Bambol” Tolentino ang pagbuo sa Timog-Silangang Asya …

PH SEA Games Medals

Pinatutunayan ng Pilipinas ang Lakas sa Olympic Sports sa Kampanya sa SEA Games

MAAARING nagtapos lamang sa ikaanim na puwesto ang Pilipinas sa kabuuang ranggo ng ika-33 Southeast …

SM LRTA

SM, LRTA ink MOA for SM City Masinag-LRT-2 Antipolo Station Interconnection Access Bridge

  Light Railway Transit Authority and SM Prime Holdings seals the deal of a Memorandum …

SM MMDA

SM Supermalls and MMDA Launch Smart Mobility and Traffic Information Sharing Project at SM Megamall

SM Supermalls Senior Assistant Vice President, Regional Operations Head, Christian V. Mathay and MMDA Chairman …