BINALEWALA ng tatlong taon na kabayo na si Morally ang malakas na ulan at maputik na track sakay si jockey Mark Alvarez upang itala ang kasaysayan bilang unang grand slam winner sa pagtatapos sa unang pagsasagawa Linggo ng 2025 Prince Leg Cup Metro Manila Turf Club (MMTCI) sa Malvar-Tanauan City, Batangas.
Bahagyang napag-iwanan sa pagbukas ng meta si Morally, subalit unti-unti nitong nilampasan ang pitong kalaban sa pagpapakita ng kanyang bilis at lakas ng pagsikad tungo sa pagwawalis sa itinakdang tatlong leg na karera sa layo na 1,600 metro.
“Magaling iyung kabayo,” kuwento lamang ni jockey Mark Alvarez, na naghahangad na maging Jockey of the Year. “Alam niya kung kailan siya hahaltak sa laban. Kabisado din niya kung kailan ko siya gustong humila at kahit medyo napag-iwanan kami ay nagawa pa rin namin manalo,” sabi pa nito.
Inungusan ni Morally, na itinala ang 1:38 segundo sa pagsungkit sa pangatlong sunod na panalo, ang mga karibal na sina Anytime, Anywhere at Candy and Wine sa karera na may garantiya na P2,250,000 para sa kampeon.
Ito ang unang pagkakataon na isinagawa ng MMTCI ang karera na may tatlong yugto ang Dr. Norberto Quisumbing Trophy race, 3rd Leg Prince Cup at 3rd Leg Kings Gold Cup.
Samantala’y nagwagi naman si Caloocan Zap sa Dr. Norberto Quisumbing Trophy race, kasunod si Modern Stroke at California King. (HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com