ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
SUNOD-SUNOD ang pinagkakaabalahang proyekto ng aktres at recording artist na si Sarah Javier.
Showing na ngayon sa mga sinehan ang kanilang pelikulang ‘Aking Mga Anak’ at abala rin si Ms. Sarah sa kanilang musical play ni Direk Vince Tanada na ‘Bonifacio Ang Supremo’.
May update rin kaming nasagap ukol sa singing career ni Ms. Sarah.
Anyway, ang pelikula na mula sa pamamahala ni Direk Jun Miguel ay hatid ng DreamGo Productions at Viva Films. Dito ay gumaganap si Ms. Sarah bilang isang OFW na nagsusumikap para sa pamilya. Ngunit may isang anak na nangungulila sa pagkalinga ng magulang.
Ano ang aral na mapululot sa kanilang pelikula?
“Napakarami po nilang mapupulot dooon, kaya sana mapanood po nila lalot it’s showing na, nationwide. Isa na po sa aral doon ang pagmamahal sa pamilya na unconditional, pati na ang pananalig sa ating mahal na Panginoon.”
Bakit dapat panoorin ang kanilang movie?
“Dapat pong panoorin ito dahil kadalasan po nalilimutan na natin ang mga bagay na nagma-matter po sa buhay natin. Magandang bonding din po ito ng pamilya to look back sa mga nagpapatibay ng relasyon ng pamilya,” esplika pa niya.
Tampok din sa pelikula sina Hiro Magalona, Ms. Cecille Bravo, Ralph Dela Paz, Klinton Start, Patani Dano, Natasha Ledesma, Art Halili Jr., at iba pa. Ang mga bidang bata naman dito ay sina Jace Fierre Salada, Madisen Go, Candice Ayesha, Juharra Zhianne Asayo, at Alejandra Cortez.
Sino pang stars ang wish niyang makatrabaho?
Aniya, “Pangarap ko po talaga makasama ang ating Megastar, si Ms. Sharon Cuneta. Mula po pagkabata ko siya talaga ang idol ko sa pag-arte at maging sa pagkanta.”
May plano ba siyang maglabas ulit ng new single? “Mayroon po akong nakaantabay tito, kaya wait po natin, maraming salamat po,” nakangiting tugon pa ng dating member ng ‘That’s Entertainment’ ni German ‘Kuya Germs’ Moreno.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com