SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
MABABA talaga ang luha ni Pen Medina lalo kapag kaharap, kasama o ukol kay Coco Martin ang usapan. Sa pagbubukas ng Paikot-ikot Lang art exhibit ng premyadong aktor noong Agosto 30, 2025, Sabado, sa Gateway Gallery, 5th Floor, Gateway Mall, Cubao, Quezon City isa si Coco sa espesyal niyang panauhin kasama ang co-star din niya sa FPJ’s Batang Quiapo na si Susan Africa.
Sina Ka Pen Coco, Susan, at partner ng una na si Tess Antontio ang nagpasinaya ng art exhibit. Bale ito ang kauna-unahang exhibit ni Ka Pen, na nagdiwanf din ng ika-75 kaarawan.
Dahil sa ilang beses naluha si Pen kaya naging tampulan o biro na niya iyon. “Sige kayo iiyak na naman ako.”
Muli binanggit ni Pen ang malaking naitulong ni Coco sa kanya. Kaya naman nang ipakilala niya ito, “Isa sa mga pinaka-importanteng tao sa buhay ko. Ha! Ha! Ha! Bagay naman kami, ‘di ba?
“Noong panahon na parang medyo wala na… Tinulungan ako. At paglabas ko ng ospital, tuloy pa rin ang tulong.
“Napakaraming dahilan para makapagpinta ako ng walang inaalala para sa pamilya.
“Pero sabi ko sa kanya, puwede ka bang magsalita o kumanta? Ano ba, speech o kanta?
“Ang pinakamamahal naming… Batang Quiapo! Coco Martin!”
Sinagot ni Coco ang pagpapakilalang ito
Sa kanya ni Pen na malaking karangalan sa kanya na makadalo sa opening art exhibit ng magaling na aktor.
Umpisa ni Coco, “Alam niyo po kasi, si Tito Pen, kami, lahat, lalo na po sa henerasyon namin, sa aming mga kabataan, isa po si Tito Pen sa mga hinahangaan namin bilang artista.
“Napakalaki po ng kontribusyon niya sa aming industriya, sa sining, sa pag-arte sa entablado, sa pelikula, sa telebisyon.
“Napakasarap na maging parte ng kanyang buhay bilang kaibigan, at bilang kasama sa ‘Batang Quiapo,’ at maraming-maraming teleserye at pelikula po na aking nagawa.
“Nagpapasalamat ako sa buong Medina family. Halos lahat sila, lagi kong kasama sa mga proyekto ko dahil gusto kong malaman nila na napaka-espesyal po nila sa akin.
“Hindi lang po kay Tito Pen, pati kay Ping. Kasi noong nagsisimula po ako sa telebisyon at sa mga indie films, kami lagi ang magkasama.”
Si Ping ay isa sa mga anak ni Pen.
Iginiit pa ni Coco na, “Ang pagtingin ko sa trabaho, hanapbuhay.
“At kaya kung ano man ang ng bawat isa sa amin, kung mapapansin po ninyo, bakit… tinatanong lagi sa akin na, ‘Ba’t gustong-gusto mong kinukuha ‘yung mga veteran actors?’ ‘Yung mga taong matagal nang hindi nakikita.
“Kasi, lagi ko pong sinasabi na ako’y isang tagahanga. Noong bata pa lang po ako, namulat na ako sa panonood ng mga pelikula.
“Dahil ang lola ko, sobrang number 1 fan ni FPJ at ni Nora Aunor. Kaya lahat po ng mga pelikula nila, napapanood ko.
“Kahit gusto kong manood ng cartoons, wala akong choice kundi manood ng mga pelikula ng mga veteran actor, na mga magagandang pelikula noong golden days ng movie industry.”
Nailahad din ni Coco na hindi niya akalain na mapapasok niya ang showbiz. Kaya malaki ang pasasalamat niya sa tulad ni Ka Pen kasama na ang anak niyong si Ping gayundin ang iba
pang kasamahan nila sa industriya na tumulong sa kanya noong baguhan siya. Isa ito sa dahilan kung bakit kinukuha niya ang mga veteran actor.
“Sila po ang mga tao na naging daan kung nasaan man ako ngayon,” giit pa ni Coco.
Ang Paikot Ikot Lang painting exhibit ay magtatagal hanggang Sept 12, 10:00a.m.-6:00 p.m. sa Gateway Gallery, 5th flr Gateway Tower.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com