NAKIPAGPULONG kamakailan si Albay 3rd District Rep. Raymond Adrian Salceda kay House Speaker Martin Romualdez at Majority Leader Sandro Marcos upang isulong ang tatlong malalaking proyekto na sadyang kailangan para sa pag-unlad ng buong Bicol.
Kasama niya sa naturang pulong ang iba pang mga mambabatas mula sa Bicol na tinatawag ang grupo nilang “Bicol Bloc.”
Masugid na isinusulong ni Salceda at ng kanyang grupo ang muling pagbuhay sa Bicol River Basin Development Program (BRBDP), Philippine National Railways (PNR), South Long Haul Project, at Quezon–Bicol Expressway (QUBEX) or SLEX Toll Road 5.
Ayon sa bagong mambabatas na dating alkalde ng Polangui sa Albay, ang tatlong malalaking proyekto ay binalangkas at isinulong din ng kanyang amain, si dating Albay 2nd district Rep. Joey Sarte Salceda. Ang BRBDP ay isang malawakang proyekto na tutugon sa mga suliraning pagbaha, kahirapan, mababang prduksiyon ng agrikultura, at mga problemang pangkapaligirang.
Ipinahayag ni Salceda ang adbokasiya niya para sa Quinale Development Consortium sa kanyang distrito na isang sub-river basin at bahagi ng buong Bicol River Basin na may lawak na 3,771 kuwadrado kilometro, at sumasaklaw sa 28 bayan at tatlong lungsod sa Albay at Camarines Sur, na pinanahanan ng 44 porsiyento ng populasyon ng buong Bikol.
Binigyan niya ng diin na ang BRBDP ay mabisang tugon sa baha na tuwina’y nagpapalubog sa mga bayan ng Oas, Libon, at Polangui sa Albay sa pamamagitan ng pagpapalalim si Quinale River, bukod sa higit na malawak na serbisyong irigasyon, at mga pampamayanang kabuhayan na magiging bunga ng rahabilitasiyon ng ‘watershed’ nito.
Ang Bicol Express (tren) ay dating napakahalagang pasilidad sa biyahe ng mga mamamayan at mga kargong kalakal sa pagitan ng Maynila at Legazpi. Itinuturing na sadyang kailangan ang muling pagbuhay nito. Magiging bahagi ito ng PNR South Long Haul Project na muling magpapabilis sa komersiyo, lalo’t magiging bukas na ang ‘Bicol Economic Zone sa Pantao, Albay kapag natapos na ito, ayon sa mambabatas.
Ipinaliwanag ni Salceda na bukod sa maasahan ang tren sa paghakot ng mabibigat na kargo, mabisang paraan din para mabawasan ang mabilis na pagkasira ng Maharlika Highway, at gastos ng mga magsasaka at negosyante sa pagbiyahe ng kanilang mga ani at kalakal kaya mapapababa din ang presyo nito.
“May pondo na mula sa Estados Unidos para sa malaking bahagi ng proyektong Bicol Express ngunit kailangan pang madagdagan ito para mapondohan din ang relokasyon ng maaapektohang mga pamilyang nakatira sa daraanan ng riles, kaya kasama rin sa proyekto ang partisipasiyon ng National Housing Authority (NHA),” dagdag niya.
Ang QUBEX o SLEX Toll Road 5 na may habang 420 kilometro mula Lucena sa Quezon hanggan sa Matnog, Sorsogon, ay magkakahalaga ng ₱193.6 bilyon, katumbas ng US$3.38 bilyon. Kapag natapos ito, magiging limang oras na lamang ang biyahe sa pagitan ng Maynila at Legazpi mula sa kasalukuyang 10-15 oras.
Ang engineering design para sa 61-kilometrong riles ng tren mula Lucena hanggang Gumaca ay halos tapos na.
Sa kasalukuyan, ginagawa na rin ang bahagi nito mula sa Toll Road 4 hanggang Tiaong, Quezon. Nangako si Salceda na masugid niyang isusulong ang proyekto hanggang matapos ito.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com