
GUSTO ni Senate Pro-tempore Jinggoy Estrada na panagutin ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nangasiwa sa konstruksiyon ng bumagsak na P1.2 bilyong Cabagan Sta. Maria bridge sa Isabela.
Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Estrada na hindi lamang ang design consultant, contractor, at truck driver ang dapat managot sa insidenteng ito dahil malaki rin ang pananagutan ng mga opisyal ng DPWH.
Tahasang sinabi ni Estrada na hindi man lang nakasuhan at naparusahan ang mga opisyal na may direktang pangangasiwa sa proyekto na 14 taon ginawa ngunit bumagsak, 20 araw matapos buksan sa publiko.
Tinukoy ni Estrada ang mga opisyal na dapat managot na sina dating Assistant Regional Secretary for Luzon Loreta Malaluan; Assistant Secretary for Regional Operations in Visayas and Mindanao Mary Bueno; mga kasalukuyang Undersecretary for Luzon Eugenio Pipo, Jr., nangasiwa sa construction noong assistant secretary pa lamang siya; Undersecretary for Visayas and Mindanao Ador Canlas, dating Assistant Secretary for regional operations sa Region 1, 2 and 13; at Undersecretary for planning service and public private partnership Maria Catalina Cabral.
“This incident is more than a structural failure. It is a failure of governance. It exposes weaknesses in our systems, weaknesses that will persist if we refuse to confront them with transparency and resolve,” sabi ni Estrada.
Pebrero 27 ng taon nang bumagsak ang bahagi ng tulay nang dumaan ang isang overloaded truck na ikinasugat ng anim katao.
Matapos ang speech ni Estrada, isinama na ito sa kasong iimbestigahan ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senador Rodante Marcoleta.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com