BUONG TIKAS na sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Nicolas Torre III na excited siya sa paghaharap nila ni Acting Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte bukas sa Rizal Memorial Coliseum.
Ayon kay Torre, ang kanyang excitement ay bunsod ng pagnanais na makatulong mula sa kikitain ng charity boxing sa mga nasalanta ng tatlong bagyo at Habagat.
Hindi lamang iilang sponsor ang nagparating ng kanilang mga suporta sa laban — marami na sila, ayon kay Torre.
Una nang sinabi ni Torre na dakong 9:00 am pa lang ay nasa Rizal Memorial Coliseum na siya at handang maghintay sa pagdating ni Duterte.
Patuloy sa pag-eensayo si Torre na kahapon ay tumakbo ng 10 rounds sa oval ng Camp Crame kahit patuloy ang pag-ulan.
Samantala, pangangasiwaan ng Games and Amusements Board (GAB) ang boxing match nina Torre at Duterte alinsunod sa inilabas nilang Resolution No. 2025-08, Series of 2025 nitong Biyernes sa layuning matiyak ang seguridad at integridad ng laban ng high-profile sporting event at magbigay ng technical support at medical supervision sa mga kalahok.
Isang kalipikado, accredited, at professional na referee ang hahawak sa laban sa ilalim ng rules at standard sa laro ng boksing.
Nagtalaga ng medical personnel na binubuo ng lisensiyadong mga doktor at paramedics, para tumugon sakaling may agarang pangangailangan sa panahon ng bakbakan.
Nilagdaan ang resolusyon kahapon, 25 Hulyo 2025 nina GAB Chairman Atty. Francisco Rivera, dalawang commissioners, at ni GAB Executive Assistant II & Acting Board Secretary Mark Anthony Libunao.
Sinisimulan na rin ang pagtatayo ng boxing ring sa Rizal Memorial Coliseum. (HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com