SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
MARAMI ang humanga kay Sylvia Sanchez dahil hindi nito alintana ang mataas na baha para magbigay tulong sa District 1 ng Quezon City. Kasama ang anak na kongresista, Arjo Atayde, Lunes pa lang ay binaybay na nila ang mga lugar na binaha.
Mabilis na namigay ng ayuda si Cong Arjo kasama si Konsi Gab Atayde sa mga barangay ng Sto Cristo, Bahay Toro, Katipunan at iba pang barangay sa distrito uno.
Inilikas din nila ang mga nabahang pamilya at binigyan ng agarang matutuluyan gayundin ng mga unan, kumot at banig. Kasabay ang mainit na lugaw, sopas, tinapay at biskwit.
Si Sylvia naman ay walang takot na namangka sa mga bahang lugar sa Distrito 1 ng QC na sabi ng marami, pwede namang hindi niya gawin subalit siya mismo ang nagpilit para makita ang kalagayan ng mga ka-distrito niya.
Puring-puri ng mga taga-District 1 si Sylvia dahil kahit basang-basa at lumusong sa baha, napaka-warm pa ang pagsalubong at pakikipag-usap sa mga nabahang kababayan.
“Sabi ko kagabi, Ma’am Sylvia, basang-basa ka na lumusong ka sa baha naulanan ka pa magpalit po muna kayo. Ang sagot niya, so touching grabeh, ‘Okey lang iyan hindi ko ikamamatay ‘yan. Masaya akong makitang nakangiti ang mga tao ano mang unos ang dumaan dahil natulungan natin sila.,’” pagbabahagi ng isang taga-Distrito Uno.
May nagbahagi pa na nagpa-pack-up si Sylvia ng shooting dahil sa bagyo pero hindi ang isinantabi ang pagtulong dahil bilang ina ng public servant tila water proof ito. Tuloy ang pag-ikot para magbahagi ng tulong.
Namahagi rin ang pamilya Atayde ng sopas at tinapay sa Road 23 Shorthorn, Barangay Toro, QC.
At hanggang kahapon patuloy ang pamamahagi nila ng pagkain sa mga taga-district 1. Kaya naman taos-pusong pasasalamat din ang ibinabalik ng mga taga-disrito uno sa pamilya Atayde na walang sawang tumutulong sa kanila lalo sa sa mga ganitong pagkakataon.
May panawagan pa nga ang pamilya Atayde na kung sino ang may kailangan ng pagkain pupuntahan ng kanilang grupo. Iyon ay bilang handog ni Cong Arjo at ng kanyang inang si Sylvia.
Samantala, may panawagan din si Cong Arjo para sa comprehensive NCR-wide flood management strategy para sa Metro Manila. Ito’y para maiwasan ang pagbaha lalo sa sunod-sunod na bagyogn dumarating sa ating bansa.
Ani Cong. Arjo sa panayam ng IKOT.PH, “The flooding we’ve seen in recent days makes one thing very clear: this is not just a QC District 1 problem, this is not just a Quezon City problem—it’s a Metro Manila problem.”
Aniya, ang paglutas sa matagal ng problema sa baha ay mangangailangan ng mahigpit na koordinasyon ng mga pambansang ahensiya at lokal na pamahalaan sa rehiyon gayundin ng malaking pamumuhunan na isinasaalang-alang ang pangmatagalang benepisyo sa halip na ang mga panandaliang gastos.
“When Metro Manila floods, the whole country suffers. We cannot solve this piecemeal. Kailangan talaga ng buong-lungsod na solusyon. Hindi puwedeng kanya-kanyang diskarte lang ang mga LGU dahil konektado ang mga kalye, kanal, estero, at ilog natin,” pahayag ni Cong Arjo.
Iginiit pa ng kongresista na ang Quezon City ay border ng Manila, Caloocan, San Juan, Marikina, Pasig, at maging sa mga munisipalidad ng Rodriguez at San Mateo sa Rizal na nagpapakita kung gaano magkakaugnay ang mga drainage system at mga daluyan ng tubig sa Metro Manila at mga kalapit na lugar.
“My grandparents faced this problem. Now we’re facing this problem. I don’t want my grandchildren to live through this problem as well. That’s why we need to take bold, unified action now,” sambit pa nito.
“When the capital is paralyzed, the entire nation feels it. This is not just a Quezon City problem—it’s a Metro Manila problem,” diin pa ng aktor at politiko.
Kaya naman hinikayat ni Cong. Arjo ang mga ahensya tulad ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Metro Manila Development Authority (MMDA), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Department of the Interior and Local Government (DILG) na makipagtulungan sa mga LGU ng Metro Manila para ihanay at mapabilis ang mga pagsisikap sa pagkontrol sa baha.
Idinagdag din nito na ang pagbabago ng klima at patuloy na urbanisasyon ay naging dahilan ng pagbaha bilang isang mas apurahan at komplikadong problema na hindi matutugunan ng panandalian o lokal na mga proyekto lamang.
“Sa QC may plano na, but If we want to solve this once and for all, we need a master plan for the whole of Metro Manila. That means more investment in infrastructure, stricter enforcement of environmental laws, and a unified approach to land use and drainage systems,” sabi pa.
“People are tired of the same cycle—umuulan, bumabaha, tapos pag-naarawan na, nakakalimutan. We need to break that cycle. We need to start looking for a serious solution now,” wika pa ng aktor/politiko.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com