NAGPAKITA ng mahusay na laro ang Philippine Blu Girls sa WBSC Women’s Softball Asia Cup 2025 at tinambakan ang South Korea, 7-0, sa Xi’an, China, noong Martes.
Agad na umatake ang koponan, nakapuntos ng tatlo sa unang “inning” bago sinelyohan ang panalo sa apat na puntos na karagdagan sa ikalima.
Ipinakita ng panalo ang determinasyon ng Filipinas na magkaroon ng malakas na paglalaro sa nasabing paligsahan sa kontinente.
Makikita sa opisyal na scorecard ang pagdomina ng Filipinas, nang hindi nakapuntos ang Korea sa lahat ng “inning” sa kabila ng tatlong hit at isang error.
Ang Blu Girls ay nakapuntos ng pito sa anim na hit, ipinakita ang mahusay na paghahagis at depensa.
Dakong hapon, iniharap ng Blu Girls ang malakas na Japan at lumaban nang matapang sa kabila ng pagkatalo, 1-9.
Ipinakita ng Filipinas ang tapang at galing ngunit natalo sa 16-hit na pag-atake ng Japan.
Ipinahayag ni ASAPHIL President at Cebuana Lhuillier CEO Jean Henri Lhuillier ang patuloy na suporta sa koponan.
“Labis kong ipinagmamalaki ang paglalaro ng ating Blu Girls, lalo na ang kahanga-hangang panalo laban sa South Korea. Kahit sa pagkatalo sa Japan, ipinakita ng koponan ang puso at tibay. Suportado namin sila habang patuloy silang lumalaban para sa ating bansa.”
Lalaban ang Filipinas sa India, 11:00 ng umaga ngayong Miyerkoles, habang sinusubukang dagdagan ang momentum at palakasin ang kanilang kampanya sa torneo. (MARLON BERNARDINO)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com