TATLONG minero ang namatay sa supokasyon nang biglang gumuho ang lupa sa loob ng isang tunnel na sinabing ilegal na pinagmiminahan ng ginto sa Sitio Unggong sa Barangay Tagnato sa Bataraza, Palawan nitong hapon ng Linggo.
Kinompirma nitong Lunes ng local officials at ng Bataraza Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRDMO) na tatlong lalaki ang namatay dahil sa supokasyon sanhi ng kawalan ng oxygen respirators sa loob ng maliit na tunnel na natabunan ng gumuhong lupa.
Dalawang iba pang kasama ng mga namatay sa insidente ang pinaghahanap sa loob ng tunnel, ulat ng Bataraza MDRRMC nitong Lunes.
Nailabas ang tatlong patay na minero sa gumuhong tunnel sa pagtutulungan ng mga tropa ng Bataraza Municipal Police Station, sa pangunguna ng kanilang hepe na si Major Raffy Esperida, mga kawani ng Bataraza local government, Bureau of Fire Protection at Army Special Forces personnel na naka-deploy sa naturang bayan.
Nadiskubre nitong Linggo ng gabi na nalibing nang buhay sa loob ng tunnel ang dalawang minero at tatlong iba pa sanhi ng pag-collapse ng lupa sa loob nito na naging sanhi ng supokasyon at kamatayan.
Hanggang kahapon, Martes, ay nagsasagawa ng search operation ang mga kinauukulan upang mahanap sa loob ng maliit na tunnel ang dalawa pang mga kasama ng tatlong minero na namatay sa insidente.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com