SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
“NEVER akong nagtanim ng sama ng loob.” Ito ang tinuran ni Mark Herras nang dumating noong Lunes ng gabi, July 7 sa lamay ng dating manager na si Lolit Solis sa Aeternitas Chapels and Columbarium sa Quezon City.
Nagkaroon ng samaan ng loob at hindi pagkakaintindihan ang dating manager at aktor at iginiit ng huli na never siyang nagtanim ng sama ng loob.
Paliwanag ni Mark, mataas ang respeto niya kay Nay Lolit at hinding-hindi niya malilimutan ang nagawa nito sa kanyang career at personal na buhay.
Iginiit din ni Mark na itinuring din niyang tunay na ina si Nay Lolit tulad ng iba pang mga alaga nito.
Naibahagi rin ni Mark na nagkita na sila ni Manay Lolit kamakailan sa banko nang magkasabay sila.
“Nag-usap kami at nagkumustahan. Biniro pa nga ako,” ani Mark.
Inamin ni Mark na mami-miss niya ang walang prenong bibig ni Nanay.
“Kahit saan si Nanay, kapag may gusto siyang sabihin sa ‘yo, sasabihin niya ‘yun,” ani Mark nang makapanayan namin ito pagkatapos magbigay galang at magdasal para sa dating manager.
Dumalaw din noong araw na iyon sa burol ni Manay Lolit ang mag-asawang Ogie Alcasid at Regine Velasquez, Tonton Gutierrez at Glydel Mercado, at Christopher de Leon at Sandy Andolong.
Gabi-gabi ring nasa lamay ang iba pang alaga ni Manay na si Paolo Contis.
Naroon din sina Benjie Paras, Earl Ignacio, Polo Ravales, Zsa Zsa Padilla at marami pang iba.
Nai-cremate na kahapon, July 9, ang labi ni Manay Lolit kasunod ang paghahatid sa huling hantungan nito ngayong araw sa Holy Cross sa Novaliches, Quezon City.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com