SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
INIALAY ni Alfred Vargas sa kanyang manager na si Lolit Solis ang pagtatapos sa University of the Philippines School of Urban and Regional Planning (SURP) noong Sabado na isinagawa sa UP Film Center.
Si Alfred ang Valedictorian ng Diploma on Urban and Regional Planning (DURP) program ng UP Diliman class of 2025. Nakakuha siya ng pinakamataas na academic standing na may General Weighted Average (GWA) na 1.0288 at ginawaran ng Dean’s Medallion.
Emosyonal si Alfred habang tinatanggap ang diploma at achievement na inialay niya sa kanyang 21-taong manager na si Manay Lolit na pumanaw noong Miyerkoles.
“Nay Lolit, para sa ‘yo ang tagumpay na ito,” luhaang sambit ni Alfred sa kanyang valedictory speech.
Pinasalamatan ng konsehal ng 5th District ang kanyang asawa, si Yasmine, at ang apat nilang anak—Alexandra, Aryana, Cristiano, at Aurora sa suporta at pang-unawa sa kanya sa lahat ng kanyang pagsisikap.
Sa kanyang talumpati, binigyang diin ni Alfred na ang epektibong urban planning ay higit pa sa teknikal na kaalaman–mahalaga rin ang pagiging makatao para makalikha ng mga komunidad na tunay na maginhawa at progresibo.
Kasabay nito, nanawagan ang aktor/politiko sa mga kapwa bagong urban planner at hinikayat ang mga ito na unahin ang kabutihan at malasakit sa kanilang mahalagang papel bilang mga tagahubog ng siyudad sa bansa.
“This graduation is meaningless if we choose indifference over kindness, if we prioritize ourselves over others, or if we abandon our principles and the fight for what is right,” ani Alfred.
“Walang halaga ang ating pagtatapos kung hindi natin isasabuhay ang kabutihan at kagandahan ng loob. Simple pero totoo. Walang halaga ang lahat ng ito kung tayo ay mananatiling bulag at manhid sa mga nangyayaring kasinungalingan, katiwalian, pati na rin ang malawak na kahirapan,” dagdag pa ng aktor sa kanyang valedictory speech.
“Hindi sapat ang ating mga kamay. Kailangan natin ng puso,” wika pa ni Alfred. “Hindi sapat ang teknikal na kaalaman o malalim na expertise para maging urban planner—kailangan natin ng puso at malasakit.”
Binigyang-diin din ni Alfred na ang kabutihan ang ugat ng “malasakit, good governance, paninindigan para sa social justice, paggalang sa pagkakapantay-pantay, at pagkilala sa dignidad ng bawat isa.”
Sinabi rin ni Alfred ang mahalagang papel ng kabutihan sa pagharap sa mga malalang isyu sa urban planning. “Without kindness, we cannot find sustainable and inclusive solutions to the pressing challenges in urban planning—overpopulation, housing shortages, inadequate infrastructure, environmental degradation, traffic congestion, urban blight, resource scarcity, poor health and safety, substandard education, social inequality, and more.
“Go beyond tokenistic public consultations. Genuinely listen to and empower diverse community voices, especially those often marginalized, in the planning process.”
Mula sa kanyang karanasan bilang lingkod-bayan, ibinahagi ni Alfred kung paanong ang “pakikinig at paninindigan sa tama ay sadyang napakahalaga.” Binanggit niya ang pagtatatag ng Quezon City Persons with Disabilities Affairs Office noong 2011, na bunsod ng pakikinig sa pangangailangan ng komunidad ng PWD, at nakapaglabas na ngayon ng mahigit 25,000 PWD IDs at nakapagbigay ng assistive devices sa halos 4,000 benepisyaryo. Parehong proseso rin ng demokratikong konsultasyon ang kanyang ginawa upang maipasa ang National Integrated Cancer Control Act noong kongresista pa siya.
Tinapos ni Konsehal Alfred ang talumpati sa panawagan para sa mga bagong henerasyon ng urban planner: “Let this graduation be a natural ending to our graduate course and the beginning of a new breed of Filipino urban planners who can lead with kindness, expertise, and character.
“Nothing is impossible and everything is achievable when we spread kindness,” sabi pa ni Alfred, na binigyang-diin na ang urban planning ay dapat makabawas ng hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan, na kinikilala ang likas na dangal ng bawat indibidwal.
Isang dedikadong lingkod-bayan, aktor, at iskolar, si Alfred ay nagpakitang-gilas sa mahigit na 26-unit na programa ng DURP, na naghahanda sa mga nagtapos para harapin ang komplikadong hamon sa urban at regional planning. Ang akademikong tagumpay ay nagpapakita ng kanyang dedikasyon sa patuloy na pag-aaral, na dagdag sa kanyang AB Management Economics degree mula sa Ateneo de Manila University at Master’s degree sa Public Administration mula sa UP Diliman’s National College of Public Administration and Governance (NCPAG).
Ipinagpapatuloy pa ni Alfred ang pag-aaral sa Urban and Regional Planning sa SURP hangga’t maabot niya ang kanyang PhD.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com