SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
MAS pinasaya ngayong taon ang All-Star Games dahil sa pinagsama-samang familiar court fan-favorites at bagong stars na manlalaro ang matutunghayan. Kasama rito ang mga Star Magic sporty stars na sina Dylan Yturralde, Reign Parani, Jas Dudley-Scales, at Argel Saycon.
Ang All-Star Games ay gaganapin sa sa July 20 sa Smart Araneta Coliseum na punompuno tiyak ng energy ang lahat ng makikilahok na sa unang pagkakataon ay magkakaroon ng Men’s Volleyball na kasali si Dylan ng PBB Gen 11 na kilala bilang “Astig Volleybae ng Pampanga.”
Dating manlalaro ng University of the East si Dylan kaya naman may dala siyang solid experience sa court. Bukod sa All-Star Games, mapapanood din siya sa kanyang acting debut na Love at First Spike.
Sa ginanap na Star Magic Spotlight media con, inamin ni Dylan na medyo kinakabahan siya pagsabak niya sa All-Star Games.
“Kabado na masaya. I’m blessed kasi siyempre first time magkaroon ng Men’s volleyball sa Star Magic Games. Ang wish ko lang noon ay makapanood, ngayon, maglalaro na ako,” masayang sabi ni Dylan.
Kabado rin siya sa unang pagsabak niya sa acting na dumating pa sa puntong kinukuwestiyon ang sarili kung kaya niya
“Pero ang unang nilapitan ko po ay mga batchmate ko sa ‘PBB,’ sina Dong and Pat. Ayoko siya gawin ng basta-basta. Gusto ko siyang gawin ng maganda,” giit pa ng manlalarong aktor.
At tulad ni Dylan, balik-court din sa ikatlong pagkakataon sa All-Star Games si Reign ng Team Lady Setters. Kasama si Reign sa PBB Season 8: Teen Edition at 2nd Runner-Up ng Binibining Pilipinas 2023.
Sa unang lead role ni Reign makakatambal naman niya si Emilio Daez sa Love at First Spike.
“Third year ko na po (All-Star Games). Super saya po. Hindi lang body conditioning ‘yung ginagawa namin. It’s also a test of patience,” sambit naman ni Reign nang mausisa ukol sa magaganap na sports event.
Kasama rin sa Team Lady Setters si Jas na kilala bilang “Optimistic Ate ng Dumaguete.” First time namang maglalaro sa All-Star Games si Jas.
“No one really starts na magaling. I’m learning, slowly. They’re all very helpful naman and very sweet,”ani Jas ukol sa ginagawang paghahanda sa laro.
Kasali naman sa basketball department at sa inaabangang rematch ng Team Shooting Stars vs Team Payaman si Argel na mula sa Pinoy Big Brother: Season 8, Adult Edition.
Aktibo si Argel sa sports gayundin sa pag-arte na mapapanood siya sa indie film na Some Nights I Feel Like Walking.
“Ngayon na hahawakan ni Kuya Gerald, kasi alam namin kung paano siya mag-training, tinatawag namin siyang ‘Mamba mentality’ kasi grabe talaga ang passion niya sa basketball. Magkakaroon ka ng respeto sa disiplina niya,” ani Argel na pang-apat nang pagkakataon na makakalaro sa All-Star Games.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com